Ibinahagi ng doktor, social media personality, at dating vice presidential at senatorial candidate na si Doc Willie Ong na bukod sa pakikipaglaban niya sa sarcoma, may pinagdaraanan din sa kalusugan ang kaniyang asawang si Doc Liza Ong.
Matapos magbigay ng health updates tungkol sa pagiging stable ng kaniyang kondisyon, ibinahagi ng mag-asawa na na-diagnose si Doc Liza ng early-stage invasive ductal carcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng breast cancer.
Dumating ang diagnosis habang patuloy namang sumasailalim sa gamutan si Doc Willie sa kaniyang stage 4 sarcoma.
Maki-Balita: Doc Willie Ong, stable ang health condition: 'Bahala na ang Diyos sa buhay ko!'
Ayon kay Doc Liza, nasa lahi nila ang pagkakaroon ng breast cancer kaya naman taon-taon niyang mino-monitor ang kaniyang kondisyon.
"Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Na-diagnose ako ng breast cancer 6 weeks ago. Kailangan ko matapos ang 12 weeks ng chemotherapy at 4 na immunotherapy at sa huli ay opera para tanggalin ang right breast. Kaya ko ito at lalabanan ko ito. Tuloy-tuloy pa din kami sa paggawa ng health tips para sa inyo. Mahal na mahal namin kayo aming followers. God bless you," mababasa sa Facebook post ni Doc Liza.
Sa vlog naman ng mag-asawa, naging positibo naman ang dalawa at sinabing lalabanan nila ang mga kinakaharap na cancer hangga't kaya nila. Ipinayo naman ni Doc Liza sa mga netizen na kung may nararamdaman nang kakaiba sa katawan, agad na magpakonsulta sa mga espesyalista at huwag matakot.