July 29, 2026

Home BALITA

2 bebot na umano'y sangkot sa illegal fixing activities, nalambat!

2 bebot na umano'y sangkot sa illegal fixing activities, nalambat!
Photo courtesy: Unsplash


Arestado ang dalawang babae matapos umanong masangkot sa ilegal na fixing activities, ayon sa ulat na ibinahagi ng Land Transportation Office (LTO) nitong Miyerkules, Hulyo 29.

Ayon sa LTO, nahuli ang dalawang suspek matapos nilang ikasa ang isang entrapment operation kasama ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).

Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon nang idulog ng isa sa mga nabiktima ng dalawang suspek ang panloloko ng mga ito sa kaniya.

Nagbayad umano siya ng ₱45,000 upang maproseso ang isang driver’s license; ngunit patuloy pa ring nanghingi ng dagdag-bayad ang mga suspek.

“Walang lugar ang mga fixer at ang kanilang mga kasabwat sa LTO. Patuloy nating palalakasin ang ating operasyon laban sa mga nananamantala sa publiko,” saad ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao sa isang pahayag.

“Hinihikayat namin ang lahat ng motorista na dumiretso lamang sa mga opisyal na tanggapan ng LTO at agad na i-ulat ang sinumang nag-aalok ng ilegal na serbisyo upang agad na maaksyunan,” aniya pa.

Dinala na rin ang dalawang suspek sa Camp Crame upang maproseso ang wastong dokumentasyon at pagsasampa ng nararapat na kaso o reklamo.

Paalala ng ahensya, huwag makikipagtransaksyon sa mga fixer o sinumang indibidwal na mangangakong ipoproseso sa mabillis na paraan ang hinihinging dokumento kapalit ng dagdag-bayad.

“Pinagtitibay ng ahensya ang patuloy nitong pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies upang tuluyang mapuksa ang operasyon ng mga fixer at mapanatili ang integridad, kredibilidad, at transparency ng mga serbisyo ng LTO,” anang ahensya.

KAUGNAY NA BALITA: Fixers, lagot sa LTO!-Balita