Naglahad ng saloobin si award-winning actor John Arcilla kaugnay sa ilang celebrity na kina-cancel dahil sa pananaw sa politika.
Sa ginanap na Star Magic Spotlight press conference sa Dolphy Theater kamakailan, nakapanayam ng Push Alerts si John.
Dito ay binanggit ng aktor na nalulungkot umano siya sa bangayan sa halip na magkampi-kampi laban sa mga opisyal na pinasahod lang naman ng taumbayan.
Aniya, “Nalulungkot ako kasi tayong mga mamamayan ang dapat magkakampi. Tayong mga mamamayan ang nagkakaisa.”
“Kasi 'yong mga opisyal, empleyado lang natin sila. Tayo ang mga boss. Tayo ang nagpa-fund ng gobyerno,” dugtong pa ng aktor.
Ayon kay John, mali raw na nagkakawatak-watak ang mga Pilipino at ginagawang basehan ng buhay ang mga politiko.
“Sila, maganda ang buhay nila. If I speak for myself, maayos ang buhay ko. Pwede akong hindi makialam. Pero ang gusto ko kasi, 'yong binabayad kong tax mapunta sa mamamayan," paliwanag niya.
Matatandaang kamakailan lang ay naging matunog ang pangalan ni Kapamilya star Joshua Garcia matapos mabuking na isa siyang Duterte supporter.
Ni-repost kasi niya ang TikTok video na may kinalaman sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, na pinaniniwalaang ginawa ng tagasuporta nito.
Maki-Balita: Nabuking na DDS: Joshua Garcia, bigla raw inunfollow sina VP Sara, Sen. Alan