Naglabas ng pahayag ang AGHAM - Advocates of Science and Technology for the People kaugnay sa Pax Silica na inisyatibo ng U.S. Department of State para sa artificial intelligence (AI) at supply chain security.
Sa isang Facebook post ng AGHAM noong Biyernes, Hulyo 24, isa-isa nilang pinabulaanan ang mga pahayag mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) kaugnay sa potensyal na epekto ng naturang proyekto.
"The facts are clear—a project of this scale will invariably impact local farming communities negatively, and will not present any clear, long-term opportunities for the genuine developmennt of our country," saad ni Dr. Giovanni Tapang, spokesperson ng AGHAM.
Dagdag pa niya, "Like so many project before it, Pax Silica will only maintain our dependence on foreign companies and their technology, while Filipinos are stuck with the backbreaking menial labor and massive environmental cost.”
Kabilang sa pinabulaanan ng AGHAM ay ang pahayag ng BCDA na hindi umano mapapaalis ang mga katutubo sa lokasyon na pagtatayuan ng mga AI data center bilang bahagi ng Pax Silica Initiative.
Ngunit kung pagbabatayan ang mga ulat ng local media, nakapaglabas na umano ang BCDA ng initial list ng Project Affected Person noong nakaraang buwan.
Makikita rito na ang residente ng mga barangay ng O'Donnel, Aranguren, at Santa Lucia ng Capas Tarlac ay maapektuhan.
Bukod dito, sinabi ng AGHAM na hindi rin totoo na ang pangunahing magpapatakbo lang sa Pax Silica ay renewable energy kagaya ng solar.
Ayon sa grupo, 24/7 gagana ang mga AI data center at ang paunti-unting energy sources gaya ng solar at hangin ay hindi makakasapat para ito ay paganahin.
Kaya malamang na gagamit pa rin ang Pax Silica ng fossil fuels o kung kinakailangan, pati ang kontrobersiyal na sources gaya ng nuclear.
"Even if they were to use solar, supplying even just half of the projected 3-5 gigawatt (GW) energy consumption of the project would require over a thousand hectares of additional land for solar farms," dugtong pa ng AGHAM.
Samantala, sa pahayag naman ng BCDA na kinolektang tubig-ulan umano ang gagamitin ng Pax Silica at hindi community water sa pagpapagana ng mga AI hub center, pinalilitaw nito ang tanong kung paano masusuplayan ng tubig ang proyekto sa panahon ng tagtuyot o bahagyang pag-ulan.
Matatandaang bitbit din ng Pax Silica ang pangako ng daang libong trabaho para sa bawat Pilipino.
Ngunit ang mga AI data center na ipinapakilala ng Pax Silica ay hindi lilikha ng sapat na bilang para sa mga long-term jobs.
Binanggit ng AGHAM bilang halimbawa ang mga hyperscale data center ng Meta at OpenAI sa North America na nakapag-produce lang ng daan-daang trabaho.
Anila, anomang pahayag na nangangako ng libong-libong hanap-buhay sa pamamagitan ng mga AI data center ay malamang na tumutukoy lang sa mga pansamantalang trabaho sa construction.
Maki-Balita: ‘Perwisyo o benepisyo?’ Mga dapat malaman tungkol sa Pax Silica