Binalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Social Security System (SSS) ang publiko mula sa fake texts at scam hinggil sa pagtanggap ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) assistance.
Sa pahayag ng DSWD nitong Biyernes, Hulyo 24, nilinaw nilang hindi nagpapadala ng anumang text message ang kanilang ahensya at SSS upang ipaalam sa isang indibidwal na siya’y kabilang sa makatatanggap ng UPLIFT Assistance.
Ipinaalala ng DSWD sa publiko na upang malaman kung sila’y kwalipikado sa UPLIFT Assistance, kinakailangan nilang i-check ang kanilang My.SSS account.
Upang maprotektahan ang personal na impormasyon, ipinayo ng DSWD na iwasang mag-click ng anumang link na kasama sa mga natatanggap na text message hinggil sa UPLIFT Assistance.
Dinagdag pa ng ahensya na iwasang mag-share ng OTP, PIN, password, o iba pang personal na impormasyon sa sinuman dahil maaari itong gamitin ng scammers upang ma-access sa personal na account o datos.
Upang masundan ang mga update sa UPLIFT Assistance, inaabiso ng DSWD na i-follow ang opisyal nilang Facebook page, gayundin ang page ng SSS.
Matatandaang inimplementa ang programa sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., upang maibsan ang epekto ng mga pagtataas sa presyo ng mga bilihin sa bansa.
MAKI-BALITA: DSWD, sinimulan na pamamahagi ng UPLIFT assistance