Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na simula na ang kanilang ahensya sa pamamahagi ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) assistance para sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung saan inilahad niya ang pagpapalawig sa nasabing tulong—na layong saklolohan ang mga Pilipino sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin.
MAKI-BALITA: PBBM, pinalawak UPLIFT assistance para sa 37.5M Pinoy sa bansa
Batay sa Facebook update na ibinahagi ng DSWD nitong Lunes, Hulyo 20, ikinasa na ang pamamahagi ng cash aid para sa Group 1 at 2 ng naturang programa.
Anila, ang mga benepisyaryo ay nagmula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Walang Gutom Program, at mga kwalipikadong indibidwal sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS)—na tatanggap ng ₱2,000 tulong-pinansyal.
Ayon pa sa DSWD, magpapatuloy ang pamamahagi ng UPLIFT assistance sa mga susunod na araw.
“Distribution of the UPLIFT Assistance will continue in the coming days to ensure that all qualified beneficiaries receive their cash assistance,” anila.
“This initiative is being implemented under the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr. to help ease the impact of rising prices and protect the purchasing power of Filipino families,” pagtatapos ng DSWD.
Photo courtesy: DSWD