Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagpapalawig sa programang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para matulungan ang aabot sa 37.5 milyong Pinoy o 7.5 milyong kabahayan sa bansa.
Kasunod ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produkto—partikular na ang langis—bunsod ng tensyon sa Middle East.
Sa isang pahayag na ibinahagi ni PBBM nitong Huwebes, Hulyo 16, inilahad ng Pangulo ang programa sa bisa ng Executive Order No. 110.
“Mga kababayan, patuloy nating nararamdaman ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan na nagdudulot ng banta sa pandaigdigang suplay ng langis,” panimula ni PBBM.
Aniya, “Nakakaapekto ito sa ating ekonomiya at presyo ng mga bilihin. Kapag tumataas ang gastusin, mas bumibigat ang pasanin ng bawat pamilyang nagsisikap tugunan ang kanilang pangangailangan—lalo na ang mga Pilipinong nasa laylayan ng lipunan. Kaya naman, patuloy tayong kumikilos upang mapagaan ang kanilang pasanin.”
“Sa ilalim ng Executive Order No. 110, inilunsad natin ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport, o ‘yong UPLIFT; upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga Pilipino at mapanatiling matatag ang ating ekonomiya. Ngayong araw, pinalawak pa natin ang suportang ito sa pamamagitan ng UPLIFT Assistance. Sa ilalim ng programang ito, mabibigyan ng agarang tulong ang 7.5 milyong kabahayan o 37.5 milyong Pilipino sa buong bansa,” dagdag pa niya.
Ani PBBM, pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasabing programa—kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno.
“Makakatanggap ng isang beses na karagdagang tulong na hanggang ₱2,000 ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, at ‘yong Walang Gutom Program,” anang Pangulo.
“Palalawakin din natin ang ating suporta para sa 2.5 milyong mahihirap at ‘yong malapit nang maging mahirap ng kabahayang natutukoy sa 2024 Community-Based Monitoring System o CBMS,” lahad pa niya.
“Gayundin ang 1.5 milyong manggagawa at kanilang mga pamilya na may mababang kita na nakumpirma sa talaan ng Social Security System. Sila’y makakatanggap ng ₱2,000 kada buwan simula ngayong Hulyo hanggang sa Disyembre,” dagdag pa ni PBBM.
Anang Pangulo, tunguhin ng UPLIFT assistance na mapangalagaan ang kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na matugunan ang kani-kanilang mga pangangailangan sa araw-araw.
“Sa ating pagkakaisa, pagtutulungan, mapapanatili natin ang katatagan ng ating bansa—at maisusulong ang isang mas maunlad na kinabukasan para sa lahat sa ilalim ng isang Bagong Pilipinas,” pagtatapos ni PBBM.