Nilinaw ng Schools Division of Tacloban City ng Department of Education (DepEd) na walang naganap na insidente ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School (SJNHS) kasunod ng komosyong naganap sa paaralan nitong umaga ng Biyernes, Hulyo 24.
KAUGNAY NA BALITA: ‘False alarm’ sa San Jose National High School, nagdulot ng panic; mga estudyante, pinayagang umuwi
Sa inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ng DepEd na ang kaguluhan ay nagsimula sa isang classroom activity ng mga mag-aaral sa Senior High School.
Bahagi umano ng role-playing exercise ang malalakas na sigawan at paghampas sa mesa upang gayahin ang isang eksena, na napagkamalan naman ng ilang estudyante sa mga kalapit na silid-aralan na tunog ng putok ng baril.
Bunsod nito, nagmadaling lumikas ang ilang mag-aaral mula sa kanilang mga silid-aralan habang ang iba ay nagtungo sa gate ng paaralan. May ilang magulang din ang agad na sumundo sa kanilang mga anak matapos makatanggap ng hindi pa beripikadong impormasyon.
Ayon pa sa DepEd, isang mag-aaral ang nagtamo ng bahagyang sugat matapos madapa habang lumilikas, ngunit agad itong nabigyan ng kaukulang atensyong medikal.
Agad ding rumesponde ang mga school security personnel at mga pulis na naka-deploy sa paaralan, habang dumating din ang karagdagang pwersa ng Philippine National Police (PNP) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani. Anila, mabilis na naibalik sa normal ang sitwasyon.
Mariing itinanggi ng Schools Division of Tacloban City ang mga kumalat na ulat sa social media na may naganap na pamamaril at may ilang nasugatan dahil dito.
"The Schools Division categorically clarifies that there was no gunshot incident inside the school. Likewise, circulating online claims that several individuals were wounded are false and grossly exaggerated. We urge everyone to rely only on verified information released through official channels."
Nanawagan din ang tanggapan sa media, online content creators at publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at tiyaking beripikado muna ang mga ulat bago ito ilathala o ipakalat.
"The Schools Division of Tacloban City also respectfully appeals to our friends in the media, online content creators, and the public to exercise responsibility in the dissemination of information. We kindly request that reports be validated with school authorities or the Schools Division Office before publication or sharing,” anang DepEd.
Ayon sa Schools Division, mahalagang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon upang hindi na madagdagan ang pangamba ng mga mag-aaral, magulang at komunidad, at upang mapanatili ang ligtas at maayos na kapaligiran sa mga paaralan.