July 23, 2026

Home BALITA National

Accomplishments ng PBBM admin, hindi mawawala sa SONA—Palasyo

Accomplishments ng PBBM admin, hindi mawawala sa SONA—Palasyo
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Inilahad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi mawawala sa gaganaping 5th State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang paglalatag ng accomplishments ng administrasyon.

Sa press briefing na isinagawa ng PCO nitong Huwebes, Hulyo 23, gayong nabanggit niya ang patungkol sa accomplishments ng administrasyon, nilinaw ni Usec. Castro na hindi niya maibibigay ang buong detalye ng SONA speech ni PBBM.

Aniya, ayaw niyang pangunahan ang Pangulo.

“Hindi ko mabibigay kung ano man, ayoko munang pangunahan ang Pangulo. Most probably, by Sunday ay tapos na ‘yon—pero hindi ko pa rin maibibigay sa inyo ang pinaka nilalaman ng kaniyang speech,” saad ni Usec. Castro.

Natanong din ang press officer kung may mga dapat bang asahang “earth-shaking announcements” sa talumpati ng Pangulo.

“Lagi naman pong ganoon. So, antayin na lang po natin kung anong sasabihin ng Pangulo dahil nakita naman din po natin… definitely, hindi mawawala ang mga naging accomplishments ng administrasyon,” anang press officer.

“Pero kung ano pa ang kaniyang sasabihin, antayin po natin sa Lunes,” giit pa niya.

Anang press officer, malapit nang matapos ni PBBM ang kaniyang talumpati na mismong Pangulo ang sumulat.

Gaganapin sa Lunes, Hulyo 27, sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City ang ikalimang SONA ni PBBM.

KAUGNAY NA BALITA: Security preparations para sa SONA ni PBBM, 'in place' na—SILG Remulla-Balita