July 23, 2026

Home SHOWBIZ

I-Witness, kinontra mga pahayag ni Boss Toyo sa dumpsite sa Subic!

I-Witness, kinontra mga pahayag ni Boss Toyo sa dumpsite sa Subic!
Photo courtesy: I-Witness (FB)

Naglabas ng pahayag ang award-winning documentary program ng GMA Network na “I-Witness” kaugnay sa mga maling impormasyon umano sa online patungkol sa ginawa nilang dokyumentaryong “Ibinarusang Paraiso” sa open dumpsite sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol, Subic, Zambales.

Matatandaan kasing naging mainit na usapin sa social media ang tila pagkontra ng social media personality na si Boss Toyo sa naturang dokyumentaryong pinangunahan ng award-winning journalist at documentarist na si Kara David noong Hulyo 18, 2026. 

Sa naging pahayag kasi ni Boss Toyo, inilahad niyang nagulat daw sila noon sa naging personal nilang pagpunta sa naturang dumpsite dahil wala raw itong masangsang na amoy at kinumpirma pa raw niya ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga local na nakatira malapit sa tambak ng basura. 

Diin pa ni Boss Toyo, wala na rin daw umanong kabahayan sa paligid ng dumpsite at kinakailangan pa raw bumiyahe ng humigit kumulang pitong kilometro bago raw makarating sa susunod na lugar. 

Aniya pa, napag-alaman din daw niyang pribadong tao na raw ang may-ari ng lupa kung saan nakatambak ang bundok ng basura. 

Events

Host ng 'Ipaglaban Mo!' na si Atty. Jose Sison, pumanaw sa edad na 88

KAUGNAY NA BALITA: Palag kay Boss Toyo? Kara David, iginiit na higit 1 buwang sinaliksik dumpsite issue sa Subic

Sa pahayag naman na inilabas ng I-Witness sa kanilang Facebook page noong Martes, Hulyo 22, 2026, nanindigan silang sinaliksik daw nilang mabuti ang kanilang ginawang dokyumentaryong “Ibinasurang Paraiso” at napag-alaman daw nilang anim na taon nang nag-ooperate ang dumpsite nang walang kaukulang permit. 

Anila, natuklasan na nga rin daw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2022 pa lang na lumalabag ang naturang dumpsite sa san na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na lumalabag sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000. 

Matapos umanong lumabas sa publiko ang dokyumentaryo nilang patungkol sa dumpsite, samo’t saring mga pahayag daw ang kumalat sa social media at naniniwala raw sila na kailangan nila itong tugunan, sa layuning ipaglaban ang katotohanan. 

Pagsisimula ng I-Witness, hindi raw totoong pribadong lupain ang open  dumpsite sa Subic dahil mahigit isang buwan daw silang nagsaliksik upang idokumento ang kanilang kuwento at nalaman daw nilang bahagi ng ancestral land ng mga Aeta ang naturang lupain at bundok, batay sa kopya ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). 

“Batay din sa official records ng NCIP, ang Sitio Tibag, kung saan matatagpuan ang dumpsite ay nasa loob ng kinikilalang saklaw ng ancestral domain ng Aeta Ambala Indigenous Cultural Community,” pagpapatunay nila. 

Saad ng I-Witness, maling pahayag din daw na sabihing walang mabahong amoy ang naturang dumpsite dahil nakausap din daw nila nang personal ang mga residenteng nakatira malapit sa dumpsite. 

Anila, marami raw sa mga lokal doon ang nagtiis ng ilang taon sa mabahong amoy ng mga basura lalo na raw kapag umuulan at nalaman din daw nilang marami sa mga residente ang napilitang lumikas o umalis sa kanilang mga tahanan dahil na rin sa masamang epekto ng dumpsite sa kanilang kalusugan. 

“Nakapanayam ng I-Witness ang mga residenteng nakatira malapit sa dumpsite. Marami sa kanila ang nagsabing ilang taon na nilang tinitiis ang mabahong amoy, lalo na kapag tag-ulan. May mga pamilyang nagsabi sa team na napilitan silang lisanin ang kanilang mga tahanan dahil sa epekto nito sa kanilang kalusugan at araw-araw na pamumuhay,” ‘ika nila. 

Pagpapatuloy ng I-Witness, hindi rin daw tamang pahayag na ilang kilometro pa ang layo ng komunidad ng mga Aeta sa dumpsite dahil nakita raw nila ang mga bakanteng bahay na ilang metro lang ang layob sa tambak ng basura. 

Batay raw sa mga residenteng nakausap nila, napilitang umalis ang mga pamilya roon dahil sa matinding baho at pagdami ng mga langaw. 

Bukod pa rito, nagpunta rin daw sila sa sapa na matatagpuan sa paanang bahagi ng bundok kung nasaan ang dumpsite at makikita raw doon ang mga inaanod na mga basura, hindi rin daw na ligtas para sa mga residente na inumin ang tubig mula sa sapa na naapektuhan na ng naturang problema. 

Diin ng I-Witness, nakausap din daw nila maging ang chieftain at mga konseho ng elders sa Sitio Alibang, isang malaking pamayanan sa may dumpsite, at sinabi daw ng mga itong nasa lokasyon ng dumpsite ang lugar kung saan sila nangangaso at kumukuha ng pagkakabuhayan noon. 

“Ipinahayag nila ang kanilang pangamba sa patuloy na operasyon ng tambakan, ngunit sinabi nilang wala silang kapangyarihang mapatigil ito,” pagbabahagi nila. 

Buwelta ng I-Witness, nakabatay daw ang lahat ng natuklasan, hindi lang basta sa personal na mga salaysay ng mga lokal na kanilang nakausap, pati na rin daw sa mga opisyal na dokumento ng pamahalaan at alinsundo sa naging hakbang ng DENR.

“Ang epekto ng tambakan ng basura ay hindi lamang nasusukat batay sa presensya o kawalan ng mga bahay sa paligid o kung may masangsang na amoy man ito o wala. Mahalagang isaalang-alang ang pangmatagalang epekto ng hindi wastong pagtatapon ng basura sa kapaligiran at kagubatan,” anila. 

“Sa loob ng halos tatlong dekada, nananatiling tapat ang I-Witness sa tama, patas at responsableng pamamahayag. Ang bawat dokumentaryo ay nakabatay sa masusing pananaliksik at mapanuring pag-uulat,” pagtatapos pa nila. 

Samantala, matatandaan namang nauna nang humingi ng tawad si Boss Toyo sa kaniyang naging pahayag. 

KAUGNAY NA BALITA: Kinontra si Kara David? Boss Toyo, nag-sorry sa naratibo niya tungkol sa dumpsite sa Subic