July 20, 2026

Home BALITA National

Mayor Leni, kinantiyawan sa Angat Bayanihan Run: 'Tatakbo na 'yan!'

Mayor Leni, kinantiyawan sa Angat Bayanihan Run: 'Tatakbo na 'yan!'
Photo courtesy: Screenshot from ABS-CBN News (FB)

Tila makahulugan ang pasigaw na tukso ng mga dumalo sa Angat Bayanihan Run habang nagtatalumpati si Angat Buhay chairperson at Naga City Mayor Leni Robredo, sa awarding ceremony ng nabanggit na fun run sa Ayala Triangle Gardens, Makati City nitong Linggo, Hulyo 19.

Habang sinasabi ni Robredo na hindi na raw dapat maghintay pa ang participants sa susunod na taon, magkakaroon na raw ang nabanggit na fun run ng Luzon, Visayas, at Mindanao run.

Hindi pa man naipaliliwanag nang husto, sumigaw na ang runners ng "Tatakbo na 'yan! Tatakbo na 'yan!" na hindi lamang pumapatungkol sa simple at literal na pagtakbo, kundi sa pagkandidato sa mas mataas na posisyon sa 2028.

"Sorry po, hindi ako nakatakbo kanina." ang pabirong hirit na lang ni Robredo. "So walang takbuhan. Walang takbuhan na naganap," aniya pa.

Sumunod, tumuloy na sa pagpapaliwanag si Robredo sa iba't ibang schedule ng Angat Bayanihan Run, una muna sa Luzon sa Agosto 16 na gaganapin sa Naga, ang Visayas run naman ay sa Oktubre 18 na gaganapin sa Iloilo, at ang Mindanao run naman ay sa General Santos (GenSan) sa Nobyembre 29.

National

BSP, nagbabala sa ilegal na paggawa at pag-imprenta ng pera

Nagbigay rin ng updates si Robredo sa patuloy na relief operations ng Angat Buhay sa mga nasalanta at naapektuhan ng paglindol sa GenSan.

Matatandaang ilang beses nang hinihimok si Robredo na tumakbong muli sa pagkapangulo sa 2028, subalit mariing sinabi ng dating Vice President at presidential candidate na wala siyang balak kumandidato sa mas mataas na posisyon, at mananatili ang pagnanais niyang maging alkalde ng Naga.

Maki-Balita: Final na! Leni Robredo, ‘di tatakbo sa national position sa 2028