Lalong umugong ang usap-usapan sa social media matapos mapansin ng mga netizen na ni-like ni Angel Locsin ang isang post na nag-uulat tungkol sa umano'y pag-unfollow sa kaniya at sa kaibigang actress-TV host na si Anne Curtis, Mariel Padilla.
Makikita sa screenshot ng naturang post mula sa isang entertainment page na kabilang si Angel sa mga nagbigay ng "like" sa balitang nagsasabing hindi na siya at si Anne kabilang sa Instagram following list ni Mariel matapos nga raw ang pag-unfollow sa kanila.
Photo courtesy: Screenshot from KAMI via Fashion Pulis (FB)
Nagbigay ito ng panibagong mitsa sa isyu, dahil itinuturing ng ilang netizens na tila kumpirmasyon o reaksiyon ito ng aktres sa mga kumakalat na ulat, bagama't wala siyang inilabas na anumang pahayag hinggil dito.
Matatandaang nauna nang mapansin ng netizens na tila hindi na sinusundan ni Mariel sa Instagram sina Angel at Anne, pagkatapos ng "open letter" ni Angel sa mister ni Mariel na si Sen. Robin Padilla.
Sa nauna nang mga ulat, nagpahayag si Angel ng pagkadismaya sa ilang paninindigan ng senador sa ilang mga isyu, kabilang na ang tungkol sa pagiging komunista, stand patungkol sa China, tila pagtatanggol daw kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy, at bagama't walang binanggit, pagsuporta kay Vice President Sara Duterte gayundin sa ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nagpahayag din noon ng suporta si Anne kay Angel sa pamamagitan ng pagkomento sa naging pahayag ng aktres, dahilan upang lalo pang pag-usapan ang isyu sa social media.
Kasunod nito, napansin ng ilang netizens ang umano'y pagkawala nina Angel at Anne sa following list ni Mariel sa Instagram. Hanggang ngayon ay wala pa ring opisyal na kumpirmasyon o paliwanag mula kay Mariel kung nag-unfollow nga siya sa dalawa at kung may kaugnayan ito sa kontrobersiya.
Maki-Balita: Suporta sa mister? Mariel Padilla, usap-usapang inunfollow sina Angel Locsin, Anne Curtis!
Bukod kina Angel at Anne, napaulat din na nadagdagan pa ang mga celebrity na inunfollow ni Mariel, kagaya na lamang ng Kapuso comedienne na si Pokwang, na dati niyang nakasama bilang host sa "Wowowee" ni Willie Revillame.