Naging usap-usapan sa social media si TV host Mariel Padilla matapos mapansin ng ilang netizens na tila hindi na niya sinusundan sa Instagram sina Angel Locsin at Anne Curtis, kasunod ng viral na pahayag ni Angel laban sa mister niyang si Sen. Robin Padilla.
Ayon sa mga netizen, nawawala na umano sa listahan ng mga account na sinusundan ni Mariel ang dalawa, matapos nga ang "paglipad" sa ere ng social media ng tinaguriang "real-life Darna."
Binisita naman ng Balita ang Instagram account ni Mariel upang i-verify ito. Mapapansing wala nga sa following list niya sina Angel at Anne.
Photo courtesy: Screenshot from Mariel Padilla (IG)
Photo courtesy: Screenshot from Mariel Padilla (IG)
Kung bibisitahin naman ang Instagram accounts nina Angel at Anne, mapapansing naka-follow sila sa Instagram account ni Mariel, as of 4:08PM nitong Biyernes, Hulyo 17.
Photo courtesy: Screenshot from Angel Locsin (IG)
Photo courtesy: Screenshot from Anne Curtis (IG)
Matatandaang naging sentro ng diskusyon si Angel matapos niyang maglabas ng mahabang mensahe para sa senador. Sa naturang pahayag, binanggit ng aktres ang kanilang pagkakaibigan at ipinahayag ang kaniyang pagkadismaya sa ilang paninindigan ni Robin, kabilang ang usapin ng red-tagging, suporta nito kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy, at mga pahayag hinggil sa China at West Philippine Sea.
Sa nauna nang ulat, sinabi ni Angel na kilala niya si Robin bilang isang taong makabayan at matapang, ngunit nalulungkot umano siya sa ilang posisyon nito sa mga kasalukuyang isyu. Nagtapos pa ang kaniyang mensahe sa panawagang, "Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat."
Bagama't wala pang reaksiyon tungkol dito, tila rumesbak naman laban kay Angel ang kapatid ng senador na si Rommel Padilla, matapos ibahagi ang isang post ng netizen, na tahimik si Angel patungkol sa isyu ng baha, korapsyon, at flood control issues.
Maki-Balita: Rommel Padilla, napa-'real talk' sa kudang tahimik si Angel Locsin sa nakawan, flood control issue
Dahil dito, maraming netizens ang nag-abang kung paano tutugon ang kampo ni Robin at maging ang kanyang asawa na si Mariel. Bagama't walang direktang pahayag si Mariel tungkol sa isyu, napansin ng mga social media users ang umano'y pag-unfollow niya kina Angel at Anne, na kapwa matagal nang personalidad ng ABS-CBN, at dati niyang kasamahan.
Sa ngayon, nananatiling tahimik sina Mariel, Angel, at Anne tungkol sa usaping ito.
Maki-Balita: Angel, 'ginising' si Sen. Robin: 'Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat!'
Maki-Balita: Angel sa pagiging 'komunista' ni Robin: 'Nasaan ka nung panahong nirered-tag ako?'