July 18, 2026

Home BALITA Probinsya

TNVS rider, pinatay at ninakawan; misis ng biktima, iniscam din ng suspek!

TNVS rider, pinatay at ninakawan; misis ng biktima, iniscam din ng suspek!
Photo courtesy: Unsplash

Patay ang isang motorcycle taxi rider matapos siyang tambangan at holdapin sa Barangay Lantic, Carmona, Cavite noong madaling araw ng Hulyo 10, 2026.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Renren De Laviga, na unang iniulat ng isang concerned citizen bilang posibleng biktima ng hit-and-run. Gayunman, nang magsagawa ng imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakarekober ang mga awtoridad ng dalawang basyo ng bala malapit sa pinangyarihan, dahilan upang ituring ang insidente bilang isang kaso ng pagpatay.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman na binaril ang biktima at tinangay ng mga suspek ang kaniyang motorsiklo.

Habang hindi pa alam ng pamilya na nasawi na si De Laviga, nakatanggap ang kaniyang asawa ng mga mensahe mula sa cellphone ng biktima. Nagpakilala ang nagpadala bilang kaniyang asawa at humihingi ng pera dahil umano sa pagkakasagi sa isang sasakyan.

Nagduda lamang ang asawa nang paulit-ulit na humihingi ng dagdag na pera ang kausap at tumangging magpadala ng voice o video message bilang patunay ng kaniyang pagkakakilanlan. Kalaunan, gumamit siya ng mga personal na tanong na tanging ang kaniyang asawa lamang ang makasasagot, dahilan upang mabuking ang panlilinlang.

Probinsya

Karne ng aso, positibong inihahain sa restaurant sa Benguet!

Sa huli, inamin umano ng mga kausap na hindi sila ang kanyang asawa at nanghingi pa ng ₱5,000 kapalit umano ng ligtas na pagbabalik ng biktima. Kalaunan ay ipinaalam ng Carmona Municipal Police Station sa pamilya na nasawi na si De Laviga.

Noong Hulyo 11, natagpuan ng mga awtoridad ang inabandonang motorsiklo ng biktima sa Barangay Conchu, Trece Martires City.

Nabatid din ng pulisya na may isa pang motorcycle taxi rider na tinambangan sa parehong lugar. Nakaligtas ang ikalawang biktima at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Ayon kay Cavite Police Provincial Office spokesperson Lt. Sarah Jane Drio, iisa ang nakikitang paraan ng pag-atake sa dalawang insidente.

"Ganun din po ang kanyang modus, binabaril po niya ang rider at saka po tinatangay po ang motor… same lang po nang sa Carmona," ani Drio.

Sa kabila ng pagkamatay ng biktima, patuloy umanong ginamit ng suspek ang cellphone ni De Laviga upang makahingi ng pera sa kaniyang mga kamag-anak at kaibigan.

Isa sa mga kapatid ng biktima ang nagbigay-alam sa mga imbestigador matapos makatanggap ng kahina-hinalang mensahe, na naging daan upang magsagawa ng entrapment operation ang mga pulis mula sa Carmona, Trece Martires, at Raxabago.

Naaresto ang suspek matapos makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa may-ari ng e-wallet account na pinadalhan ng hinihinging pera ng pamilya ng biktima.

Nasamsam sa suspek ang motorsiklong ninakaw mula sa rider na nakaligtas sa Trece Martires, isang kalibre .45 na baril, at ilang bala.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Trece Martires City Police ang suspek at nahaharap sa mga kasong robbery, paglabag sa Anti-Carnapping Act, illegal possession of firearms, at homicide.

Matatandaang noong Hulyo 14 nang unang napaulat ang pagkamatay ng isang motorcycle rider na ninakawan at sinaksak ng lalaking nagpanggap na pasahero sa Caloocan City.

Napag-alamang isang single father ang biktima at naiwan niya ang kaniyang anak na tatlong taong gulang na may autism. Bunsod ng sinapit na biktima, ulilang lubos na ang kaniyang anak dahil maagang pumanaw ang misis ng biktima.  

KAUGNAY NA BALITA: Solo parent na TNVS rider, pinatay at pinagnakawan pa ng motorsiklo ng pasahero!