Naghain na ng aplikasyon para sa rally permit ang apat na grupo sa Quezon City kaugnay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na nakatakdang idaos sa Hulyo 27 sa Batasang Pambansa.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nakatanggap sila ng impormasyon mula sa pamahalaang lungsod ng Quezon hinggil sa mga aplikasyon ng mga grupong planong magsagawa ng kilos-protesta sa araw ng SONA.
Gayunman, sinabi ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo na hindi pa maaaring isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga naturang grupo habang nagpapatuloy ang koordinasyon at paghahanda para sa seguridad ng okasyon.
Kasalukuyan ding isinasapinal ng pulisya ang traffic at security management plan, kabilang ang mga kalsadang pansamantalang isasara at mga alternatibong ruta para sa mga motorista sa panahon ng pagpapatupad ng security protocols.
Kabilang sa mga lugar na mahigpit na babantayan ang paligid ng Batasang Pambansa, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, Katipunan Avenue, at EDSA Shrine, na madalas pagdausan ng mga kilos-protesta sa mga nakalipas na buwan.
Tinatayang nasa 20,000 tauhan mula sa NCRPO, iba pang yunit ng Philippine National Police, at mga katuwang na ahensya ang nakatakdang italaga upang tiyakin ang kaayusan at seguridad bago, habang, at matapos ang pag-uulat ng Pangulo sa Kongreso.
KAUGNAY NA BALITA: Tinatayang 20,000 pulis, ipakakalat sa SONA ni PBBM!
Nauna nang nagpulong ang House of Representatives at iba pang ahensya ng pamahalaan bilang bahagi ng paghahanda para sa SONA.
Ayon sa mga opisyal ng Kamara, layunin nilang maging "simple but dignified" ang seremonya, kaya wala umanong ilalatag na red carpet at hindi rin hinihikayat ang pagsusuot ng mahahabang gown sa okasyon.
Ang SONA ay taunang ulat ng Pangulo sa Kongreso tungkol sa kalagayan ng bansa at mga prayoridad ng administrasyon. Isinasagawa ito tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo alinsunod sa itinatadhana ng 1987 Constitution.