July 27, 2026

Home BALITA Metro

‘Wala siyang kalaban-laban!’ Pamilya ng rider na nasawi sa pananaksak, humihingi ng hustisya

‘Wala siyang kalaban-laban!’ Pamilya ng rider na nasawi sa pananaksak, humihingi ng hustisya
Photo courtesy: Contributed photo

Hustisya ang panawagan ngayon ng pamilya ng isang motorcycle taxi rider na nasawi matapos siyang saksakin ng kaniyang pasahero gamit ang ice pick at tangayin pa ang kaniyang motorsiklo sa Caloocan City.

KAUGNAY NA BALITA: Solo parent na TNVS rider, pinatay at pinagnakawan pa ng motorsiklo ng pasahero!

Labis ang pagdadalamhati ng mga kaanak ng biktima, lalo na nang maalala nilang nagsusumikap lamang itong maghanapbuhay para sa kaniyang pamilya at sa kaniyang tatlong taong gulang na anak bilang isang solo parent.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Nancy Norberte, hindi nila matanggap ang sinapit ng kaniyang kapatid na wala umanong kaaway at nagtatrabaho lamang nang marangal upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

"Mayroon siyang isang anak. Tatlong taon yung anak niya. Hindi po namin siya mapapatawad. Naghahanap buhay lang po yung kapatid ko, bakit ganoon yung ginawa niya? Wala siyang kalaban-laban."

Metro

SP Win, kinondena namataang pampasabog malapit sa Senado

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, katatapos lamang umanong maghatid ng biktima ng pasahero nang bigla siyang saksakin ng suspek gamit ang ice pick bago tangayin ang kaniyang motorsiklo.

Agad na isinugod sa ospital ang rider ngunit idineklara rin itong patay dahil sa tinamong mga sugat sa katawan.

Hindi naman nagtagal ay naaresto rin ng mga awtoridad ang suspek matapos itong maiugnay sa isa pang insidente sa kalapit na lungsod. Narekober din mula sa kaniya ang motorsiklo ng biktima at ang hinihinalang ginamit na sandata sa krimen.

Samantala, nananatiling mabigat para sa pamilya ang pagkawala ng kanilang mahal sa buhay, lalo na para sa batang naiwan nito. 

Patuloy naman ang kanilang panawagan para sa agarang pagpapatuloy ng kaso at pananagutin ang responsable sa pagkamatay ng rider na, ayon sa kanila, ay naghahanapbuhay lamang nang mangyari ang insidente.