Idiniin ng Malacañang na hindi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mag-iimbita kay Vice President Sara Duterte para sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Batasang Pambansa Complex sa darating na Lunes, Hulyo 27.
Sa press briefing na ginanap ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Hulyo 16, nilinaw ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na House of Representatives (HOR) daw ang siyang mag-iimbita sa Pangalawang Pangulo.
“Hindi po Pangulo ang mag-iimbita sa bise presidente, kundi po ang House of Representatives (HOR),” paliwanag ni Usec. Castro.
Sa parehong press briefing, iginiit din ng press officer ang kahandaan ng pamahalaan para sa ikalimang SONA ni PBBM.
Sinabi niya ring tinatapos na ng Pangulo ang magiging talumpati nito para sa naturang address.
“Sa ngayon po ay tinatapos niya po ang kaniyang pagsusulat patungkol sa kaniyang SONA speech,” anang press officer.
“Ang paghahanda, ito naman ay kumbaga e, since 2022 ay pinaghahandaan naman po ‘to, taun-taon naman po, at ganoon pa rin po ang paghahanda ng Office of the President (OP) patungkol po diyan,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: PBBM, tinatapos na SONA speech niya-Balita
Nagpahayag din siya sa security protocols ukol sa SONA 2026.
“‘Yong patungkol po sa security at protocol, hayaan na lang po natin ‘yan dahil operasyon po ito, at hindi po ito isinasapubliko; but ang sinisigurado lamang po namin ay handa palagi ang gobyerno pagdating po diyan,” ani Usec. Castro.