Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na tinatapos na sa kasalukuyan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kaniyang talumpati para sa nalalapit niyang State of the Nation Address (SONA).
Sa ikinasang press briefing ng PCO nitong Huwebes, Hulyo 16, idiniin din niyang handa ang pamahalaan para sa nabanggit na taunang kaganapan.
“Normal po ‘yan, regular po ‘yan sa Pangulo—hindi lang dahil sa SONA, regular po ang Pangulo na nakikipag-usap sa mga leaders ng bawat ahensya para malaman at ma-update po siya sa nangyayari,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “At sa ngayon po ay tinatapos niya po ang kaniyang pagsusulat patungkol sa kaniyang SONA speech.”
“Ang paghahanda, ito naman ay kumbaga e, since 2022 ay pinaghahandaan naman po ‘to, taun-taon naman po, at ganoon pa rin po ang paghahanda ng Office of the President (OP) patungkol po diyan,” dagdag pa niya.
Natanong din ang press officer hinggil sa security protocols para sa gaganaping SONA, at maging ang pag-imbita ni PBBM kay Vice President Sara Duterte.
“‘Yong patungkol po sa security at protocol, hayaan na lang po natin ‘yan dahil operasyon po ito, at hindi po ito isinasapubliko; but ang sinisigurado lamang po namin ay handa palagi ang gobyerno pagdating po diyan,” anang press officer.
“Hindi po Pangulo ang mag-iimbita sa bise presidente, kundi po ang House of Representatives (HOR),” paliwanag pa ni Usec. Castro.
Gaganapin ang SONA 2026 sa darating na Lunes, Hulyo 27, sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.
Ito na ang ikalimang SONA ni PBBM simula noong siya ay nahalal bilang Pangulo noong 2022.