Sinubukang sunugin ng isang 21-anyos na binatilyo ang bahay ng isang beteranong Senate reporter sa Villa Caceres Subdivision, Sta. Rosa City, Laguna, madaling-araw nitong Huwebes, Hulyo 16, 2026, dahil binu-bully umano ng bunsong anak ng mamamahayag ang suspek.
Sa naging pahayag ng biktimang Digital Head ng Bilyonaryo News Channel (BNC) na si Marlon Ramos sa panayam sa kaniya ng kanilang estasyon, umaga nitong Huwebes, kinuwento niyang natupok daw ang bandang kusina ng kanilang bahay at nahuli naman daw ang suspek na si alyas “Juper.”
Ani Ramos, tila masakit pa raw sa kaniya ang pangyayari sapagkat tinuring na rin daw niyang anak-anakan noon si Juper, dahil naging kaklase raw ng kaniyang bunsong anak ang suspek.
“Kanina, may nagsunog ng bahay namin. Ang natupok, ‘yong bandang kitchen namin. May nahuli na suspek, ito ay 21 years old na ang pagkakilala ko rito, ‘Juper,’” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “‘Yon nga ang masakit, kakilala namin ito… tinuring ko pa nga na parang anak anakan ko ito kasi ito ay dating kaklase ng anak kong bunso.”
Pagkukuwento ni Ramos, nagulat daw sila nang marinig nilang biglang may sumabog sa kanilang bahay at agad daw niyang naamoy ang usok na pinagmumulan ng sunog.
Anang mamamahayag, agad daw niyang ginising ang kaniyang mag-ina upang lumabas ng kuwarto at doon daw nila nakita na may parteng nasusunog sa kanilang kusina.
“Kanina nga, nagulat na lang kami no’ng biglang may sumabog sa bahay. Noong pagsabog, naamoy ko agad na amoy usok. Kaya dali-dali kong ginising ‘yong aking mag-ina, ‘yon nga, nakita kong may apoy doon sa may bandang kitchen,” aniya.
Ani Ramos, nahuli daw ng mga security guard ng kanilang subdibisyon ang suspek na si Juper dahil daw nakita nila na may dala itong container o lalagyan ng gasolina.
Saad niya, nakapasok daw ang suspek sa main gate ng subdibisyon nila bandang 2:00 ng madaling-araw dahil nagpaalam daw ito sa mga guwardiya na makikitulog sa kanilang tananan, pinayagan naman daw itong makapasok dahil pamilyar daw ang mukha ng suspek sa mga bantay.
“Ang sabi sa akin noong security guard, nagpaalam daw. Dumaan doon sa main gate ng aming subdivision… Ang sinabi ay makikitulog doon sa amin. Sa kasamaang palad dahil pamilyar ‘yong guwardiya sa itsura niya, pinayagan siya agad pumasok sa subdivision namin dis oras ng gabi,”
Pagpapatuloy ni Ramos, inamin daw sa kaniya mismo ng suspek ang pagtatangka nitong sunugin ang kanilang bahay sa dahilang binubully ito ng kaniyang bunsong anak.
Pagbabahagi niya, tila raw natakot siya na baka iyon daw ang sinasabi ng mga imbestigador nila mula sa kapulisan na “copycat crime” ng naganap na insidente ng pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22, 2026.
“Kanina, inamin niya ‘yong ginawa niya at sinasabi niya binubully daw kasi siya noong anak ko. Ang nakakatakot nga dito, mukhang ito ‘yong tinatawag ng PNP, ng mga imbestigador natin, na copycat crimes after noong nangyari sa Tacloban,” ‘ika niya.
Paglilinaw naman ni Ramos, agad daw nakareespode ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa kanilang tahanan.
Kinuwento pa raw sa kaniya ng kaniyang bunsong anak na iniiwasan na raw nito at mga kaibigan niya ang suspek dahil daw may nakikita raw silang kakaiba sa kilos ni Juper.
Samantala, kinakailangan pa raw sumailalim sa medical examination ang suspek bago ito pormal na dalhin sa kustodiya ng kapulisan.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!