Nagbigay ng reaksiyon ang OPM singer na si Jireh Lim kaugnay sa pasaherong nagnakaw at pumatay sa sinakyan nitong motorcycle taxi rider na isang solo parent.
Makikita sa CCTV footage noong Hulyo 14 ang mabilis na panananaksak ng suspek laban sa biktima habang nakatalikod ito at nakaupo pa sa kaniyang motorsiklo.
Bumagsak ang biktima at maririnig na sa CCTV ang pagsigaw niya habang inaatake siya ng suspek. Mapapanood din na sinubukang tumakbo ng biktima at balikan ang motorsiklo, subalit pinagbabantaan siya ng suspek.
Ilang saksi ang tumulong sa biktima at agad siyang dinala sa ospital, subalit kalaunan ay pumanaw din.
Kaya sa Facebook account ni Jireh, ibinahagi niya nitong Miyerkules, serye ng mga larawan ng pagkakadakip sa suspek, kalakip ang mungkahi kung paano maiiwasan ang mga krimeng gaya nito.
Ayon sa kaniya, tila hindi raw natatakot ang marami sa consequences na maaaring harapin kapag gumawa ng krimen, hindi gaya sa mga bansang tulad ng Amerika, Japan, at Singapore dahil batid ng mga tao roon ang bigat ng ipapataw na parusa.
Kaya sabi ni Jireh, “What if mas mabigat ang parusa at mas mahigpit ang implementation ng batas? Halimbawa, 10x na mas mataas ang pyansa at mas mahahabang sentensya para sa mga sa mabigat o magaang na krimen.”
“Baka hindi lang dalawang beses mag-isip ang gagawa ng krimen—baka sampu o dalawampung beses pa,” dugtong pa niya.
Matatandaang ayon sa mga awtoridad, ilang oras lamang matapos ang pananaksak sa rider, ay muling nambiktima ang suspek at nagtangkang magnakaw sa Malabon.
Samantala, naaresto na naman ang suspek na nahaharap sa paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016, robbery at homicide.
Maki-Balita: Solo parent na TNVS rider, pinatay at pinagnakawan pa ng motorsiklo ng pasahero!