July 13, 2026

Home BALITA National

PBBM, may working visit sa Singapore mula Hulyo 14-16

PBBM, may working visit sa Singapore mula Hulyo 14-16
Photo courtesy: RTVM/YT, Unsplash


Inanunsyo ng Palasyo na tutungo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa bansang Singapore para sa isang working visit, sa darating na Martes, Hulyo 14 hanggang Huwebes, Hulyo 16.

Batay sa anunsyong ipinahayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Lunes, Hulyo 13, bahagi raw ang naturang working visit sa pagpapaigting ng relasyon ng Pilipinas at Singapore.

“Nakatakdang magtungo ngayong linggo si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Singapore para sa working visit mula July 14 hanggang 16,” saad ni Usec. Castro sa press briefing ng PCO.

Aniya, “Bahagi ito sa pagsulong ng pamahalaan sa mas matatag na bilateral relations ng Pilipinas at Singapore—na magsisilbing susunod na chair ng Association of Southeast Asian Nations sa susunod na taon.”

Anang press officer, magkakaroon din si PBBM ng isang courtesy call kay Singaporean Prime Minister H.E Lawrence Wong hinggil sa pagsusulong ng trade at investment cooperations; kasama na rin ang environment, health, regional, at global development.

“Makikibahagi rin ang Pangulo sa Milken Institute’s Private Round Table Discussion sa Philippine Embassy sa Singapore kung saan makaksalamuha niya ang mga business leaders bilang bahagi sa effort ng pamahalaan matapos kilalanin ang Pilipinas bilang upper middle-income country,” lahad pa ng press officer.

Base pa sa anunsyo ng Palasyo, magbabahagi rin si First Lady Liza Araneta-Marcos ng kaniyang mensahe sa Global Economic Cooperation East Summit kaugnay sa imbitasyon ng Future Economic Cooperation Council—isang India-based economic platform.

Layon ng nasabing plataporma na pagbuklurin ang business owners at government leaders para sa pagsusulong ng Global Strategic Economic Cooperation.

Matatandaang nanggaling na rin si PBBM sa bansang Canada noong Hulyo 1 hanggang 4; bilang bahagi ng kaniyang official visit sa naturang bansa.

Nakapagkasa ang Pangulo, kasama si Canadian Prime Minister Mark Carney, ng isang bilateral meeting kung saan napagdiskusyunan nila ang ilang usapin gaya ng ekonomiya, depensa, at seguridad.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, balik-bansa na matapos ang official visit sa Canada-Balita