Inanunsyo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Francis N. Tolentino na iuurong sa darating na Sabado, Hulyo 25, ang nakatakdang ₱60 na taas-pasahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Saad ni Tolentino sa kaniyang panayam sa media, inilipat ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa Hulyo 25, mula sa naunang petsa na Hulyo 19, dahil nahuli ng dalawang araw ang kanilang publication date ng Wage Order No. 27, bunsod ng mga pag-ulan at bagyo.
“Nilipat ‘yon [petsa ng taas-sahod] kasi na-late ng dalawang araw ‘yong publication date, kasi nagkaroon na ng bagyo-bagyo, ‘yong mga gano’n,” saad ni Tolentino.
“Kasi yung sa Wage Order No. 27, wala namang nakalagay do’n na date, so ‘yon ay effective, 15 days upon publication. Lalabas na July 25 ang effectivity date,” dagdag pa ng Kalihim.
Sa kaugnay na ulat, unang tranche pa lamang ito ng inisyatibang taas-pasahod ng DOLE, dahil ang second tranche nito, na dagdag ₱25, ay nakatakdang maging epektibo sa Enero 20, 2027.
Habang kasalukuyang nakasentro ang taas-pasahod sa Metro Manila, tiniyak ng DOLE na tinatrabaho na rin nila ang wage adjustment para iba pang parte ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: DOLE, inanunsyo ₱85 minimum wage increase sa Metro Manila