Ipinanawagan ni Sen. Risa Hontiveros ang pagpasa ng “no disconnection” policy para sa mga mamamayang may inirereklamo sa kanilang malaking bill sa kuryente.
Sa post na inilabas ni Hontiveros noong Biyernes, Hulyo 10, ibinahagi niyang hindi dapat pinipilit na magbayad ng kanilang bill ang mga mamamayang nagkaroon ng maling meter reading.
Aniya pa, hindi dapat consumers ang mag-adjust sa pagkakamaling ito.
“Consumers who were erroneously charged should not be forced to pay disputed charges just to keep their lights on. Hindi nila kasalanan na mali ang meter reading. Hindi konsyumers ang dapat mag-adjust,” saad ni Hontiveros.
Ibinahagi pa ng senadora na batay sa isang naiulat na kaso, isang pamilya sa bansa ang sinisingil ng bill bagama’t nakapatay ang kanilang circuit breakers habang sila’y nakabakasyon.
Kalauna’y kinilala naman ng Manila Electric Company (Meralco) na ang bill na sinisingil ay bunsod ng pagkakamali sa meter reader.
“In one reported case, a household was billed for electricity consumption even though its circuit breakers had been switched off while the family was away on vacation. Meralco later acknowledged that the bill resulted from a meter reader’s error,” ani Hontiveros.
Gayunman, binanggit ni Hontiveros na inabiso ng Energy Regulatory Commission (ERC) na dapat pa ring bayaran ng consumers ang kanilang bills upang maiwasan ang pagkaputol ng kuryente habang iniimbestigahan ang kanilang reklamo.
“However, the Energy Regulatory Commission advised that those who contest their bills must still pay under protest to avoid disconnection while their complaints are being investigated,” saad ng Senadora.
Dahil dito, tanong ni Hontiveros, bakit tila inuuna ng ERC ang umano’y interes ng Meralco.
Hindi naman daw siguro kawalan sa Meralco ang unpaid bills na ito, ngunit sa consumers, dadagdag ito sa kanilang limitadong budget.
“Bakit parang inuuna pa ang interes ng Meralco? Hindi naman siguro sila malulugi sa unpaid contested bills. Pero ang mga kababayan natin na di handa sa biglang lobo ng babayaran ay lalong mahihirapang magbudget,” patutsada ng Senadora.
Matatandaang inanunsyo ng Meralco ang dagdag-singil sa kuryente ngayong Hulyo.
Sa ₱0.3428/kWh increase ngayong buwan, ang overall rate para sa isang typical household ay aabot na sa ₱14.8261/kWh mula sa ₱14.4833/ kWh lamang noong Hunyo.
MAKI-BALITA: Magtataas na naman! Meralco, may dagdag-singil sa kuryente ngayong July!