July 25, 2026

Home BALITA National

‘Bukas ang pintuan ng DOJ:’ Sec. Vida, emosyonal sa naging pagdulog ng mga biktima ng EJK!

‘Bukas ang pintuan ng DOJ:’ Sec. Vida, emosyonal sa naging pagdulog ng mga biktima ng EJK!
Photo courtesy: DOJ

Ibinahagi sa publiko ni Department of Justice (DOJ) Sec. Fredderick Vida ang naging pagbisita ng Teatro Paghilom na binubuo ng mga kaanak ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) noon. 

Sa naging pahayag ni Vida sa DZRH SONA 2026 nitong Hulyo 11, 2026, kinuwento niyang nag-perform daw ang Teatro Paghilom na pinangungunahan ni Fr. Flavie Villanueva sa kanilang tanggapan dalawang linggo na ang nakalipas. 

Ani Vida, naging emosyonal daw siya sa presentasyon ng mga miyembro ng naturang Teatro Paghilom dahil na rin daw sa pagbabahagi ng mga ito ng kanilang naging takot sa ahensya ng DOJ noon. 

Diin ni Vida, bukas daw ngayon ang pintuan ng DOJ sa ilalim ng kaniyang pamumuno para sa lahat ng mga naging biktima ng EJK upang makamit nila ang hustisya.  

“Sabi nila, ten years ago, takot kami sa Department of Justice. Ngayon, bukas ang pintuan ng DOJ para sa lahat ng Pilipino para makamit nila o maidulog nila ‘yong kanilang pag-asa at paghahangad ng katarungan,” aniya. 

National

Sen. Ping 'happy' sa big win nina Sen. Kiko, Sen. Bam noong 2025 elections!

Emosyonal na pagbabahagi ni Vida, “Grabe… iyak ako, e, noong nandoon sa program. Kasi noong nag-closing si Mr. Delos Reyes, sabi niya, ‘Alam n’yo po, takot na takot kami dati sa DOJ. Ngayon, nandito kami sa loob, tinanggap kami ni Secretary. Nakapag-perform kami.’” 

Pagtitiyak ni Vida, hindi pa raw natatapos ang laban para sa lahat ng mga biktima ng EJK upang makamit nila ang hustisya dahil ang kasalukuyang administrasyon na raw ang tamang direksyon para sa maihain ang katarungan. 

“Hindi pa tapos ang laban. Hindi pa tapos ‘yong paglalakbay para makamit ang hustisya. Pero ito na ‘yong tamang direksyon. Ang gobyerno, dapat naririyan para ihain ‘yong katarungan,” ‘ika niya. 

Pagpapatuloy ni Vida, para daw sa lahat ng taumbayan ang ahensya ng DOJ at pati na rin ang tungkulin niya bilang Secretary of Justice. 

“Ang DOJ natin dapat [ay] bukas ang pintuan para maging access ng bawat Pilipino. Kaya nga gusto ko, ride ko ‘yong DOJ ko, e. Inyo po ito. Ang DOJ ay para sa bawat Pilipino,” saad niya. 

“Ang Secretary of Justice ay secretary ng bawat Pilipino. Kaya ang DOJ, DOJ ko. Ito ay para sa ating mga kababayan,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang nagsimulang pumutok ang usaping tungkol sa EJK noong 2011 sa Davao City at nagpatuloy noong 2016 nang maupo na bilang Presidente si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa naganap na war on drugs. 

Nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) si Duterte matapos siyang arestuhin sa Maynila noong Marso 11, 2025 batay sa arrest warrant na inilabas ng hukuman kaugnay ng kasong crimes against humanity of murder na may kaugnayan sa mga pagpaslang na umano'y naganap sa kampanya kontra ilegal na droga mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Kalaunan ay inilipad siya sa The Hague sa Netherlands sa araw ding iyon upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

KAUGNAY NA BALITA: ICC, kinansela status conference ni FPRRD ngayong Hulyo