July 23, 2026

Home BALITA National

Usec Castro kinumusta si Sen. Pia: 'Tuwing nagsasalita, lagi siyang parang hinihingal!

Usec Castro kinumusta si Sen. Pia: 'Tuwing nagsasalita, lagi siyang parang hinihingal!
Photo courtesy: Screenshot from RTVM, Senate of the Philippines (FB)

Nagbigay ng reaksiyon si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Office Atty. Claire Castro sa mga naging pahayag kamakailan ni Sen. Pia Cayetano kaugnay ng umano'y pagsuporta ng Malacañang sa mayorya ng Senado, sa unang araw ng impeachment trial noong Lunes, Hulyo 6.

Sa press briefing nitong Miyerkules, Hulyo 8, kinumusta pa ni Castro ang kalagayan ng senadora habang tinutugunan ang mga naging komento nito.

“Kumusta na po ba, Sen. Pia Cayetano? Dahil sa tuwing nagsasalita siya recently, ay lagi siyang parang hinihingal. Hindi natin alam kung excitement o anxiety, pero siguro napansin niya rin na hingal na hingal si Sen. Pia sa kaniyang pananalita."

"Anyway, kung 'yon ang kaniyang suhestyon, siguro hindi na niya kailangang mag-utos sa iba, maaari niya naman siguro itong gawin, sinasabi niya na ang Pangulo ay suportado ang [Senate] majority, nagsalita po ang Pangulo."

"Sa isang panayam, kung hindi po tayo nagkakamali ay sa Kapihan, sinabi naman niya na kung ano ang isinasagawa, nagiging desisyon ng Senado, ito naman ay kaniyang susuportahan, at ang desisyon naman ang nagwawagi, kung ano naman ang sinasabi ng majority," paliwanag pa ni Castro.

National

Sen. Robin Padilla, nilinaw 'one-sided' remarks niya sa prosekusyon

Kasabay nito, pinabulaanan din ng opisyal ng Palasyo ang paratang na pumapanig umano ang Malacañang sa Senate majority.

Ayon kay Castro, ang posisyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ay igalang at suportahan ang mga hakbang ng Senado basta't naaayon ang mga ito sa batas.

“Susuportahan po ng Pangulo ang ginagawa ng Senado as long as those activities are within the bounds of law,” dagdag niya.

Hindi naman daw susuportahan ng Pangulo ang desisyon kung ito ay labag na sa batas.

Matatandaang nag-ugat ang pangungumusta kay Sen. Pia nang maging emosyunal siya sa plenary session sa Senado noong Mayo, matapos magkaroon ng kaguluhan.

Maki-Balita: Sen. Pia Cayetano: 'Kumusta na po kayong lahat?'

Kinuwestyon ng senadora ang umano'y hindi raw pangungumusta ng mga kasamahang senador, lalo na sa minorya, sa sitwasyon ng mga senador na naiwan at nasaksihan ang mga nangyaring gulo.