Hiniling ni Senator-Judge Robin Padilla sa Senado bilang impeachment court na isumite ang mga credential at sertipikasyon ng testigong si National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Investigation Unit Senior Agent John Mark Calilung, matapos ang pagsalang sa day 2 at day 3, sa paglilitis para sa "grave threats" na ikaapat sa articles of impeachment.
Ginawa ni Padilla ang kahilingan matapos ang pagdinig nitong Miyerkules, Hulyo 8.
"Ginoong tagapamahala ng Hukumang ito, nais ko lamang po sanang hingin ang mga credentials ng saksi, kasama po ang lahat ng kaniyang certification, upang mapatunayan po natin ang lahat," ani Padilla, na pumapatungkol kay Presiding Officer Senator-Judge Chiz Escudero.
Ayon sa senador, mahalagang maipresinta sa impeachment court ang mga kwalipikasyon at sertipikasyon ng testigo upang matiyak ang kaniyang kakayahan at kredibilidad kaugnay ng mga pahayag at ebidensiyang kaniyang iniharap sa paglilitis.
Si Calilung ay isa sa mga testigong iniharap ng prosecution panel sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado. Sa kaniyang testimonya, tinalakay niya ang ilang dokumento at materyales na bahagi ng mga ebidensiyang isinusumite laban sa bise presidente.
Bukod dito, inusisa rin ni Padilla si Calilung patungkol sa taong nag-record ng video ng orihinal na Zoom Meeting, kung saan, mapapanood na may inatasan nang hitman si VP Sara kung sakaling may mangyaring masama sa kaniya.
Maki-Balita: Sen. Padilla, inurirat testigo tungkol sa orihinal na nag-record ng pagbabanta ni VP Sara