Ipinahayag sa publiko ng pulisya na nagreklamo umano si Sen. Rodante Marcoleta ng ilang pananakit sa kaniyang dibdib at pagtaas ng kaniyang presyon ng dugo dahilan para malapatan muna ang senador ng atensyong medikal.
Sa naging pahayag ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Maj. Gen. Robert Morico ll sa media hapon nitong Lunes, Hulyo 6, 2026, sinabi niyang dinala raw muna nila si Marcoleta sa Philippine National Police (PNP) General Hospital dahil sa pag-inda nito sa pananakit ng kaniyang dibdib at pagtaas ng blood pressure.
Ani Morico, saka pa lang daw nila ililipat si Marcoleta sa tanggapan ng Sandiganbayan kapag lumabas na ang kahit na anong resulta ng medical ng senador.
Paglilinaw naman ni Morico, nadala naman na raw ng kapulisan sina dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at negosyanteng si Joseph Espiritu sa Sandiganbayan at muli raw silang maghihintay sa kautusan ng Korte kung saan kasunod na dadalhin ang mga nabanggit.
“But si Defensor and the other one, dinala na namin sa Sandiganbayan for presentation at Court. We will wait for the commitment order. Kung saan sabihin ng Sandiganbayan [na] dadalhin, then that’s the time na ita-transport sila doon,” paliwanag niya.
Giit ni Morico, maghihintay pa naman daw sila sa resulta ng medical ni Marcoleta bago nila ipaalam sa Sandiganbayan ang kalagayan ng senador.
Preno naman niya, agad naman daw nilang dadalahin si Marcoleta sa Sandiganbayan kung mapapatunayang “fit to travel” o may kakayahan ang senador na bumiyahe.
“We will wait kasi ongoing ang medical niya doon. Chene-checkup siya ngayon ng mga doctors. Then we will inform ‘yong Sandigan. But if he is fit to travel, we will be returning the warrant to the Sandigan, then we will wait,” aniya.
Pagpapatuloy ni Morico, may karapatan naman daw si Marcoleta na malapatan ng atensyong medikal lalo na raw at 72-anyos na ang huli.
“May karapatan po siya. He’s 72 years old. May karapatan din ‘yong tao sa appropriate medical aide,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang opisyal nang inaresto ng mga awtoridad sina Marcoleta, Defensor, at iba pa matapos maglabas ng Sandiganbayan 3rd Division ng warrant of arrest sa mga nabanggit.
Nahaharap si Marcoleta sa non-bailable plunder case at tatlo umanong counts sa paglabag sa Presidential Decree No. 46 na nagbabawal sa pagtanggap ng isang opisyal ng mga regalo.
KAUGNAY NA BALITA: Warrant of arrest, hold departure order, inilabas laban kay Sen. Marcoleta, at iba pa!
KAUGNAY NA BALITA: 'Palagi tayong nagpapasakop sa batas!' Sen. Marcoleta, tanggap pag-aresto sa kaniya!