July 26, 2026

Home BALITA National

‘Magtiwala kayo sa akin!’ SP Win, nangakong ‘di sisirain institusyon ng Senado

‘Magtiwala kayo sa akin!’ SP Win, nangakong ‘di sisirain institusyon ng Senado
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Umapela si Senate President Sherwin “Win” Gatchalian sa mga kapuwa niya kawani ng Senado na pagkatiwalaan umano siya na hindi raw siya gagawa ng mga bagay na makasisira sa kanilang institusyon. 

Sa naging pahayag ni Gatchalian ilang oras bago ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, Hulyo 6, 2026, sinabi niyang nagpapasalamat daw siya sa tuloy-tuloy na pagbibigay ng maayos na serbisyo sa publiko ng mga bumubuo sa institusyon ng Senado sa kabila ng mga kaguluhang nangyari sa Senado. 

Ani Gatchalian, pagkatiwalaan daw sana siya ng kaniyang mga kasamahan sa Senado na hindi niya dudungisan ang minamahal nilang institusyon. 

“Mga kasama, magtiwala po kayo sa akin na hindi tayo gagawa ng bagay na makakasira po sa ating institusyon na minamahal,” pangako niya. 

Diin ni Gatchalian, mas marami raw kasi ang mga empleyado ng Senado ang mas matagal nang nagtrabaho sa kaniya dito, kung saan ang iba pa raw ay nagka-asawa, nagka-anak, at nagka-apo na habang nagtatrabaho sa kanilang institusyon. 

National

Sen. Ping 'happy' sa big win nina Sen. Kiko, Sen. Bam noong 2025 elections!

Dahil rito, malinaw raw para kay Gatchalian na marami sa mga kasamahan niya ang mahal na mahal ang institusyon ng Senado. 

Pagtitiyak ni Gatchalian, mas gagawa raw siya ng mga bagay na magiging dahilan ng pagtatag pa ng Senado sa halip ng mga ikasisira nito. 

“Ang pangako po sa inyo, hindi tayo gagawa ng mga bagay na makakasira po sa minamahal nating institusyon. Bagkus, gagawa tayo ng mga bagay para lalong tumatag ang minamahal nating institusyon,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Gatchalian, nagpapasalamat daw siya sa kaniyang mga kasamahang nagtulong-tulong upang maging maayos at mapayapa ang nakatakdang pagsisimula nila ng makasaysayang Senate impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo. 

“Itong araw na ito ay makasaysayan. Mamayang hapon, bubuksan na ang impeachment proceeding at nagpapasalamat ako sa lahat ng ating kawani na nagtulong-tulong para maging maayos, orderly, at maging mapayapa ang pagiging  pagbubukas ng impeachment proceedings,” aniya. 

Nakatakdang magsimula sa ganap na 2:00 ng hapon tuwing Lunes hanggang Miyerkules mula ngayong Hulyo 6 hanggang Hulyo 26 ang impeachment trial laban kay VP Sara.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, 'wala pang pasabi' kung dadalo sa simula ng impeachment trial—SP Win