Nakatakdang isara ang mga daanan simula sa darating na Lunes, Hulyo 6, bilang paghahanda sa gaganaping impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa opisina ng Senado sa Pasay City.
Batay sa traffic advisory na inilabas ng Pasay Traffic and Parking Management Office nitong Biyernes, Hulyo 3, pansamantalang isasara ang Diokno Boulevard mula Seaside Boulevard hanggang Atang dela Rama St. sa northbound at southbound lanes, mula 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi, tuwing Lunes, Martes, at Miyerkules.
Kaya pinapayuhan ng ahensya ang mga motorista na dumaan na lamang sa Macapagal Boulevard bilang alternatibong ruta at maagap na sundin ang abiso ng mga nakaestasyong traffic enforces dito.
Samantala, nakatakdang pormal na magsimula ang impeachment trial ni Duterte sa Lunes, 2:00 ng hapon.
Matatandaang inanunsyo rin ni Senate Secretary Renato Bantug, Jr., noong Huwebes, Hulyo 2, na may nakalaang 61 upuan na nakareserba para sa publiko na magnanais na manood sa impeachment trial.
MAKI-BALITA: 61 upuan, bukas sa publiko sa bawat impeachment trial vs VP Sara—Senate Sec. Bantug
Inihayag din ni House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na handa na ang House prosecution sa nakatakdang paglilitis na ito laban kay Duterte.
“We are very much ready. As a matter of fact, 19th Congress pa tayo naghahanda,” saad ni Luistro.
MAKI-BALITA: House Prosecution Panel, 'very much ready' sa impeachment vs VP Sara!—Rep. Luistro