July 25, 2026

Home BALITA Metro

Tatlong truck ng basura, napuno matapos ang INC rally sa EDSA

Tatlong truck ng basura, napuno matapos ang INC rally sa EDSA
Photo courtesy: Contributed photo via DZRH

Aabot sa mahigit tatlong truck ng basura ang nakolekta ng Quezon City Department of Sanitation and Cleanup Works at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos ang isinagawang kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa paligid ng EDSA People Power Monument.

Isinagawa ang paglilinis sa White Plains Avenue, People Power Monument, at kahabaan ng EDSA malapit sa Camp Aguinaldo, kung saan idinaos ang pagtitipon.

Ayon sa mga awtoridad, tumulong din ang ilang miyembro ng INC sa paglilinis ng lugar matapos ang programa.

Batay sa tala ng Quezon City Department of Sanitation and Cleanup Works, karamihan sa mga nakolektang basura ay mga plastik na bote, pinagkainan at mga food packaging.

“More or less mga tatlo o higit pa na truck ang naano namin simula kagabi. Simula nung pag-alis ng mga kapatid na INC tuloy tuloy ang clean up hanggang ngayong umaga. Plastic bottles, mga pinagkainan 'yun po 'yung karaniwan, lalo na pinagkainan marami saka plastic bottles andami,” ani sa media ni Bowie Cruz ng QC Department of Sanitation and Cleanup Works.

Metro

‘Shortened operations,’ ipinatupad sa LRT-2 ngayong Hulyo 25

Samantala, inilipat ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo ang kanilang kilos-protesta sa Liwasang Bonifacio nitong Huwebes, Hulyo 2,  matapos magpasya ang pamahalaang lungsod ng Quezon City na huwag nang palawigin ang permit para sa kanilang pagtitipon sa EDSA.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon upang matiyak ang kaayusan at kalinisan sa mga lugar na pinagdarausan ng mga pagtitipon.

Ang naturang rally ay nagsilbi rin bilang pagpapakita ng suporta kay Sen. Rodante Marcoleta, na nahaharap sa inirekomendang kasong plunder at tatlong bilang ng indirect bribery kaugnay ng umano'y hindi pagdedeklara ng ₱75 milyong campaign donations. 

KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman Remulla, dedma sa rally ng INC; kaso kay Sen. Marcoleta, tuloy!