Binakbakan ng organizers ng Trillion Peso March na Tindig Pilipinas ang ikinasang “surprise rally” ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument noong Martes, Hunyo 30.
Sa isang Facebook post ng Tindig Pilipinas nitong Miyerkules, Hulyo 1, kinontra nila ang kilos-protesta ng INC na ang layon umano ay protektahan si Sen. Rodante Marcoleta mula sa kasong plunder na isasampa laban dito.
Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa ₱75-million campaign donation na tinanggap umano ni Marcoleta noong 2025 elections.
“The central question confronting the Filipino people is simple: Why should any politician need tens of thousands of people to defend him against a legal investigation?” saad ng Tindig Pilipinas.
Anila, sa bansang nasa ilalim ng constitutional democracy, wala dapat pampublikong opisyal na nag-oorganisa ng malawakang pagkilos para harangin ang pagpapatupad ng batas.
“Accountability is not determined by the size of one’s following but by the strength of the evidence and the independence of our institutions,” dugtong pa ng grupo.
Bukod dito, nilinaw din ng Tindig Pilipinas na ang ugat ng kanilang sentimyento sa INC ay hindi tungkol sa ginawang peaceful assembly nito o maski sa pagpili sa EDSA bilang venue.
Ayon sa kanila, “The issue is the use of collective political and institutional power to place certain individuals beyond the accountability that every public official owes the Filipino people.”
Para sa grupo, ang EDSA ay hindi lang basta physical venue. Simbolo ito ng hustisya, katotohanan, pananagutan, at rule of law. Kinakatawan nito ang bawat Pilipino na minsang tumanggi sa diktadurya, karahasan, at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Kaya naman nanawagan ang Tindig Pilipinas sa publiko na tutulan ang pagtatangkang baguhin ang simbolong ito para gawing kasangkapan sa pagprotekta sa mga indibidwal na dapat humarap sa batas.
Maki-Ballita: Ang kasalanan ko lang ay paglingkuran kayo—Marcoleta