Tahasang ipinahayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na pinaniniwalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang panawagang transparency at accountability ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC).
Kaugnay ito sa sigaw ng INC hinggil sa katiwalian at korapsyong nagaganap sa bansa.
Sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Hulyo 1, iginiit ni Castro na ang pagtaguyod ng naturang religious group para sa pananagutan ay siya ring naisin ni PBBM, kung kaya’t binuksan nito ang mga imbestigasyon kaugnay sa nasabing isyu.
“Naniniwala po kasi, muli, naniniwala po ang Pangulo sa liderato ng INC—na sila ay nagkaroon ng rally o sinasabing protesta para itaguyod ang transparency, accountability, at hindi po iyan isasabaliwala ng Pangulo dahil ‘yan din po ang nais ng Pangulo,” saad ni Castro.
Aniya, “Kaya nga po siya nagpapaimbestiga dahil kaniya pong pinapaigting ang transparency at accountability.”
“So, kung ito po ang nais ng INC, matagal na po itong ginagawa ng Pangulo,” dagdag pa niya.
Giit pa ng press officer, wala namang tugon ang Pangulo kaugnay sa umano’y nakaambang kaso o reklamong isasampa kay Sen. Rodante Marcoleta.
“Pero ang patungkol po siguro kay Senator Marcoleta ay hindi po makakatugon ang Pangulo patungkol diyan dahil iba pong usapin ‘yan,” anang press officer.
“Ang kaso naman o ang reklamo na inihaharap sa kaniya ay hindi naman po hawak ng ehekutibo—hawak po itong Ombudsman,” dagdag pa niya.
Patungkol naman sa pagpunta ni PBBM sa Canada ngayong Miyerkules, Hulyo 1, idiniin din ni Castro na hindi mapapahinto ng mga nabanggit na isyu ang mandato ng Pangulo na magtrabaho para sa mga Pilipino.
“Kasi matagal na rin po itong naka-schedule at kailangan din po niyang magtrabaho. Hindi po kasi siya puwedeng pahintuin lamang ng mga bulung-bulungan na mayroong lulusob sa Malacañang, na mayroong gagawa ng destabilization,” aniya.
Giit pa niya, “Hindi po magpapahinto ang Pangulo sa kaniyang pagtatrabaho para sa taumbayan.”
“Pero, iginagalang natin ang liderato ng INC at hindi tayo naniniwala na sila ang magiging nasa likod ng destabilization,” pagtatapos ni Castro.
Sa parehong press briefing, pinag-iingat niya rin ang INC kaugnay sa posibleng paggamit sa kanila upang mapababa sa puwesto si PBBM.
MAKI-BALITA: Castro pinag-iingat INC sa bantang magamit upang patalsikin si PBBM-Balita