Pinaalalahanan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang liderato ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC) na mag-ingat laban sa banta ng posibleng paggamit sa kanila upang patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa press briefing na ikinasa ng PCO nitong Miyerkules, Hulyo 1, sinagot din ni Castro ang umano’y posibleng paglusob ng ilang mga raliyista sa Malacañang Camp Crame, at Camp Aguinaldo.
“Ito po’y nakarating na—at kung ito man ay isang tsismis, isang pananakot, hindi naman po ito isasabaliwala lamang ng mga awtoridad natin,” saad ni Castro.
Aniya, “Pero ang tanong, sino ba ‘yong lulusob? Sino sa mga nagpo-protesta? Hindi naman po siguro, at ayokong paniwalaan. Ayaw naming paniwalaan na ang miyembro ng INC ang siyang gagawa nito.”
“Dahil sabi nga natin, ginagalang natin ang integridad, ang liderato ng INC. Hindi naman siguro ang purpose ng kanilang protesta ay mag-destabilize,” dagdag pa niya.
Binuweltahan din ng press officer ang mga usapin hinggil sa umano’y pag-aaklas upang ganap nang pababain sa pagkapangulo si PBBM.
“Kaya nga po sa ngayon, ang pakiusap po natin sa liderato ng INC [ay] maging maingat din po sila at baka sila ay magamit ng ibang mga tao na ang naisin ay patalsikin ang Pangulo—dahil alam natin ang INC ay hindi ‘yan ang hinihimok sa taong bayan,” anang press officer.
“Matagal naman na po na may nagnanais patalsikin ang Pangulo sa gobyerno sa posisyon. So, hindi ito bago…so handa naman po ang gobyerno para diyan,” pagtatapos ni Castro.
Samantala, hindi naman pinangalanan ng press officer kung sino ang tinutukoy niyang gusto na patalsikin si PBBM sa puwesto nito.