Hindi man siya nabigyan ng tradisyonal na farewell walk sa coronation night ng Miss Philippines Earth 2026, nakahanap naman ng ibang entablado si Miss Philippines Earth 2025 Joy Barcoma upang magpaalam bilang reyna—sa harap ng libo-libong dumalo sa "Love L4ban Pride March" sa University of the Philippines (UP) Diliman sa Quezon City, noong Sabado ng gabi, Hunyo 27.
Naging usap-usapan sa social media ang pagdalo ni Joy sa Pride event matapos niyang kumpirmahin na wala siyang magiging final walk sa coronation night ng Miss Philippines Earth 2026, isang tradisyong karaniwang ibinibigay sa mga titleholder bago nila ipasa ang korona sa kanilang kahalili.
Sa halip na magmukmok sa pagkawala ng naturang pagkakataon, pinili ni Joy na ituon ang pansin sa kaniyang adbokasiya at sa mga komunidad na kaniyang sinuportahan sa panahon ng kaniyang reign.
Sa Love Laban, sinalubong siya ng mga tagasuporta at pageant fans na itinuring ang kaniyang paglabas sa entablado bilang kaniyang tunay na farewell walk.
"Hello, mga bakla! Hello po sa inyong lahat, happy Love L4ban 2026!” masayang bati ni Joy sa mga dumalo.
“I'm so happy to be here. Maraming-maraming salamat po sa mainit na pagtanggap, maraming-maraming salamat po sa pagmamahal, at siyempre, nandito po tayong lahat para ipaglaban ang ating karapatan! Mabuhay ang LGBTQIA+ community!” aniya pa.
Kinumusta naman si Joy ng event hosts na sina Kaladkaren, Justine Pena, at Migs Almendras.
"Siyempre gusto ko pong magpasalamat kasi I've been waiting for this moment, and hindi ko in-expect na I would do it here, pero maraming salamat because I would always like to do it with people who supported me and that loved me, and that welcomed me," saad ni Joy.
Bago ang coronation night, naglabas si Joy ng emosyonal na pahayag kung saan sinabi niyang hindi nasusukat ang legasiya ng isang reyna sa dami ng hakbang na kaniyang nagagawa sa entablado kundi sa mga bakas na kaniyang naiiwan sa buhay ng ibang tao.
Kinumpirma naman niyang hindi siya makakapag-final walk sa nabanggit na coronation night, sa hindi na ibinigay na dahilan.
Maki-Balita: Joy Barcoma, walang farewell walk sa Miss Earth Philippines 2026 coronation night!