Kinumpirma ni Miss Earth Philippines 2025 Joy Barcoma na hindi siya makakarampa at makakapag-farewell walk sa coronation night ng Miss Earth Philippines 2026 nitong Sabado, Hunyo 27, 2026.
Nagbigay ng emosyonal na mensahe ang reigning Miss Earth Philippines 2025 sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post nitong Sabado rin, kaugnay sa mga kumakalat na espekulasyong inalis siya sa programa ng magaganap na koronasyon.
Pinili ni Barcoma na magpasalamat sa halip na magpokus sa pagkadismaya habang papalapit na ang pagtatapos ng kaniyang pagrereyna bilang kinatawan ng environmental pageant.
"Forever and always an Earth Queen," ang naging pambungad ni Joy sa kaniyang mahabang mensahe.
Pinasalamatan niya ang lahat ng sumuporta, naniwala at nagmahal sa kaniya mula nang koronahan siya bilang Miss Earth Philippines.
Ayon kay Barcoma, isa sa mga pinakamalaking ipinagmamalaki niya sa kaniyang reign ay ang pagsisikap niyang gawing makabuluhan ang bawat oportunidad na ipinagkatiwala sa kaniya.
"If there is one thing I am ultimately proud of—it is that I devoted myself to making this reign meaningful," ani Joy.
Ibinahagi rin niya na sinikap niyang gamitin ang bawat platapormang ibinigay sa kaniya upang maisulong ang kaniyang adbokasiya at makapaglingkod sa komunidad.
"I maximized every platform I was given and I pursued every opportunity to serve, even if it meant walking much of that journey on my own," aniya.
Sa kaniyang pahayag, tila nagpahiwatig din si Joy ng mga pagsubok na kaniyang naranasan sa likod ng kanyang reign.
Aniya, natutuhan niyang hindi palaging nanggagaling ang suporta mula sa lahat ng sektor, kabilang na maging sa ilang espasyong kaniyang kinakatawan.
"This journey also reminded me that support doesn't always come from every corner, even within the spaces you represent. But despite that, I chose grace, respect, and gratitude."
Sa kabila nito, sinabi niyang pinili niyang panghawakan ang paggalang, kababaang-loob at pasasalamat hanggang sa huling araw ng kaniyang panunungkulan bilang reyna.
Nagpasalamat din si Barcoma sa Miss Philippines Earth Organization sa pagkakataong ibinigay sa kaniya.
"Thank you for entrusting me with a title that became so much more than a crown," aniya.
Nanawagan din siya sa publiko na patuloy na suportahan ang Miss Philippines Earth at ang susunod na reyna na mahahalal.
Ayon sa beauty queen, hindi lamang tungkol sa korona ang naturang pageant kundi tungkol sa mas malaking misyong pangkalikasan at paglilingkod sa komunidad.
Isa sa pinakanagmarkang bahagi ng kaniyang mensahe ay ang pag-amin niyang hindi siya magkakaroon ng farewell walk sa gabi ng koronasyon.
"Tonight, I may not have a farewell walk."
Gayunman, sinabi niyang hindi nasusukat ang isang legasiya sa dami ng hakbang na nagawa sa entablado kundi sa mga bakas na naiiwan sa buhay ng ibang tao.
"But perhaps that is the greatest reminder that a legacy is never measured by the number of steps she takes on stage but by footprints she leaves in the lives of others," aniya.
Binigyang-diin din niya na ang kaniyang adbokasiya ay magpapatuloy kahit matapos ang kaniyang reign.
"Hindi natatapos sa entablado ang pagboses. At hindi limitado ng korona ang adbokasiya."
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, muling nagpasalamat si Joy sa organisasyon at sa kaniyang mga tagasuporta na aniya'y nagbago ng kanyang buhay.
"Thank you, Miss Philippines Earth. Thank you, everyone, for changing my life. I will always and forever be an Earth Queen."
Matatandaang bago nito, lumutang na nga ang mga pang-iintrigang hindi siya bibigyan ng farewall walk dahil sa ilang mga isyu ng organisasyon sa kaniya, kabilang na ang umano'y "breach of contract."
Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, may mga kumalat na posts sa social media na sinabihan daw si Barcoma ng isang kinatawan mula sa pageant organizer na hindi siya ang magte-turnover ng korona at hindi rin pormal na makakapagpaalam bilang reigning Miss Philippines Earth 2025.
Naging usap-usapan din ang cryptic post ng pageant brand manager na si Astrud Schuck, na ininugnay naman kay Barcoma.
“If a contract is breached many times, action is taken," mababasa rito.
Sa kabilang banda, inaddress na rin ni Barcoma ang ilang mga umiikot na isyu, kaugnay sa umano'y baka may hindi siya nasunod sa mga nakasaad sa kontrata ng kaniyang pagiging Miss Earth Philippines.
"Nag-promote? I was called out but was advised to be careful next time. For clout? I had advocacy events that I didn’t post, but that doesn’t mean I didn’t do them. Utang? Last time I checked, I just sent my events with TF to them. I haven’t been told how much I owe," aniya.
Kumakalat din ang tsikang kesyo dahil daw sa "conflict of schedule" kaya hindi na isinama si Barcoma sa coronation night. Tumanggap na rin kasi ang beauty queen ng Tv hosting kagaya na lamang sa "Unang Hirit" bilang guest co-host, at sa "The People Have Spoken" kasama ang content creator na si Baus Rufo, na parehong nasa GMA Network.
Samantala, wala pang opisyal at pormal na pahayag ang pamunuan ng Miss Earth Philippines tungkol dito.