July 23, 2026

Home SPORTS

Ermat ni Eman Bacosa, inireklamo umano ang tumalo sa anak niya

Ermat ni Eman Bacosa, inireklamo umano ang tumalo sa anak niya
Photo courtesy: Contributed photo

Naghain ng reklamo sa Games and Amusement Board (GAB) ang kampo ng boxer na si Eman Bacosa Pacquiao laban sa nakalaban nitong si Rodelyn Perez at sa referee ng kanilang boxing match matapos ang Philippine Boxing Federation (PBF) Lightweight Championship noong Hunyo 21, 2026.

KAUGNAY NA BALITA: Eman Bacosa, olats sa unang championship title; pinabagsak ng kalaban!

Ang reklamo ay inihain ni Joanna Rose Bacosa-Dino, ina at manager ni Eman, noong Hunyo 26. 

Sa kaniyang sinumpaang salaysay, iginiit nya na nakatanggap umano ang kaniyang anak ng maraming "rabbit punches" o suntok sa likod ng ulo—isang ipinagbabawal na technique sa boxing dahil sa panganib na maaari nitong idulot sa kalusugan ng isang atleta.

Kasama rin sa inireklamo ang referee na si Jerold Tomeldan, dahil umano sa kabiguang pigilan ang naturang mga suntok at sa hindi pagbibigay ng kaukulang babala sa laban.

Mantra ni Alex Eala: ‘Wag magduda!

Samantala, sa magkahiwalay na Facebook post noong Sabado, Hunyo 27, nagpahayag ng saloobin si Perez kasunod ng paglabas ng balitang isinampa ang reklamo.

"Nakaka-discourage mag-boxing! If hindi kayo marunung tumangap ng pagkatalo, huwag ka nlng mag-boxing,” ani Perez.

Bagama't hindi siya nagbanggit ng pangalan, pinaniniwalaang ang kampo ni Eman ang tinutukoy ng boksingero sa kanyang pahayag.

Samantala, naglabas din ng pahayag si Joanna sa kaniyang Facebook account kung saan ipinaliwanag niya ang dahilan ng kanilang reklamong isinampa.

"Rabbit punches. Ipinagbabawal po ito na pagsuntok sa likod ng ulo sa kahit anong combat sports,” ani Joanna.

Paliwanag pa niya, "Opo, hindi ito maiiwasan lalo na kung nagkakainitan na sa laban pero ang 7X o HIGIT PA NA RABBIT PUNCHES AY MATATAWAG NA MALAKING NEGLIGENCE PARA WALANG GAWING AKSYON."

Dagdag pa niya, "Hindi lang po sa Round 2 ito nangyari. Nasundan pa ito sa ibang rounds na hinahayaan na lang."

Binigyang-diin pa niya ang posibleng panganib ng naturang uri ng suntok.

"Rabbit punches are prohibited in boxing because of the life-changing damage they can cause."

Bilang halimbawa, binanggit ni Joanna ang sinapit ng Puerto Rican boxer na si Prichard Colón, na nagtamo ng matinding pinsala sa utak matapos ang laban nito kay Terrel Williams noong 2015, kung saan naging kontrobersyal rin ang umano'y mga rabbit punch.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pinal na desisyon ang GAB kaugnay sa reklamong inihain ng kampo ni Eman.