Inispluk ng dating talent manager ni Kapuso actress-beauty queen Herlene Budol na si Wilbert Tolentino na marami na raw talagang natatanggap na indecent proposals ang dati niyang alaga.
Ito ay matapos isapubluko ni Herlene ang screenshot ng mensahe sa kaniya mula sa nagpakilalang si “Gov” para yayain siyang makipag-one-night stand kapalit ng ₱100,000.
Maki-Balita: Pumatol kaya? Herlene Budol, inalok ni 'Gov' ng one night stand sa presyong ₱150k
Sa latest Facebook post ni Wilbert nitong Sabado, Hunyo 27, sinabi niyang noong isalang niya raw si Herlene sa Binibining Pilipinas noong 2022 at Miss Grand International noong 2023 ay dagsai na raw ang nagpaparamdam para makaiskor.
“Ang dami nag approach at nag inquire sa akin ng indecent proposal ma pa kapwang celebrity at bugaw ng mga politician. Mas malaki pa sa 150K ang offer at sila na daw bahala sa akin,” saad ni Wilbert.
Dagdag pa niya, “Akala nila siguro sa akin alipin ako ng salapi. E ni singkong duling never ako kumukuha ng commision kht may pa raket sa mga kapwang artist at influencer.”
Kaya naman, pinaalalahanan ni Wilbert ang mga manyakis na mag-relax lang. Hindi raw nangangahulugang porke nagsusuot si Herlene ng sexy swimsuit ay pwede nang aluking makipagtalik o igarahe.
“Eto ay maaring makakuha ng endorsement para sa kanyang karera,” dugtong pa ng dating talent manager ni Herlene.
Matatandaang nagdesisyon si Wilbert na bitawan si Herlene bilang alaga niya noong Hulyo 2023. Ayon sa kaniya, ubos-oras na tungkulin umano ang pagiging talent manager.
Sa kabila nito, batid umano niyang malayo pa ang mararating ng karera ni Herlene. Nagpasalamat din siya sa mga tao at kompanayang nagtiwala sa kanilang dalawa.
Maki-Balita: Wilbert Tolentino, opisyal nang nagbitiw bilang talent manager ni Herlene Budol