Pormal nang sinampahan ng kasong rape with homicide ang isang 15-anyos na menor de edad na itinuturong responsable sa pagkamatay ng isang anim na taong gulang na batang babae sa bayan ng Victoria, Tarlac.
KAUGNAY NA BALITA: 6-anyos na paslit, pinatay at pinaghihinalaang ginahasa pa ng 15-anyos
Kinumpirma ng Victoria Municipal Police Station na naisampa na ang kaukulang reklamo matapos makumpleto ang paunang imbestigasyon kaugnay ng krimen na ikinagulat at ikinabahala ng mga residente sa lugar.
Batay sa nakalap na impormasyon, huling nakitang kasama ng suspek ang bata matapos umano niya itong sunduin mula sa paaralan. Sa halip na ihatid sa lugar kung saan nagtatrabaho ang mga magulang ng biktima, dinala umano niya ito sa isang liblib na bahagi ng Barangay San Nicolas.
Doon umano naganap ang krimen na nagresulta sa pagkamatay ng bata. Sa isinagawang imbestigasyon, lumitaw ang mga ebidensiyang nag-ugnay sa menor de edad sa insidente.
Ayon sa mga awtoridad, may naging pag-amin umano ang suspek kaugnay ng pangyayari, na naging bahagi ng kanilang case build-up bago isinampa ang kaso sa piskalya.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga at kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek alinsunod sa mga probisyong sumasaklaw sa mga batang lumabag sa batas o mas kilala sa tawag na Child in Conflict with the Law (CICL).
Patuloy namang nagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang pulisya upang matukoy kung may iba pang detalye o posibleng mga taong sangkot sa kaso habang hinihintay ang susunod na hakbang sa pag-usad ng legal na proseso.