Personal na nakiramay at nakisimpatya si Vice President Sara Duterte sa tatlong namayapang mag-aaral mula sa San Jose National High School sa Tacloban City, kasunod ang malagim na shooting incident na kinaugnayan ng dalawang menor de edad na suspek noong Lunes, Hunyo 22.
Sa isang Facebook post na ibinahagi ni VP Sara nitong Miyerkules, Hunyo 24, makikitang binisita ng Pangalawang Pangulo ang burol ng tatlong estudyante—na pinangalanang sina Joyancee, Lorenz, at Ayessa.
Ayon kay VP Sara, nananawagan ang pamilya ng mga pumanaw na mag-aaral na mabigyan ng hustisya ang nangyari at sinapit ng mga biktima.
“Personal nating ipinaabot ang ating taos-pusong pakikiramay, pati na ng aking buong pamilya, at ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa kanilang mga pamilya at kamag-anak na labis ang hinagpis sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay,” saad ni VP Sara sa kaniyang post.
“Kasabay nito ang panawagan ng kanilang mga magulang na sana ay hindi na maulit ang ganitong pangyayari at mabigyan ng hustisya ang kanilang mga anak,” dagdag pa niya.
Batay sa mga tala, hindi bababa sa 20 ang napuruhan ng nasabing school shootout incident.
Sa kaugnay naman na ulat, sinampahan na ng patong-patong na kasong kriminal ang 15-anyos na suspek sa gitna ng madugong pamamaril sa nabanggit na paaralan.
Isa siya sa dalawang suspek na walang-habas na namaril sa loob mismo ng San Jose National High School sa Tacloban City.
MAKI-BALITA: 15-anyos na suspek sa Tacloban school shootout, sinampahan ng patong-patong na kaso!-Balita