Ipinagdiinan ni Sen. Chiz Escudero na walang katotohanan ang ibinibintang sa kaniya ng dating mga bagmen ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, na umano'y nakatanggap din siya ng "male-maletang pera" na indikasyon ng korapsyon sa pamahalaan.
Matatandaang idinawit si Escudero ng mga dating bagmen sa alegasyon ng ₱160 milyong kickback mula sa flood control projects, kung saan, mariing itinatwa ni Escudero ang mga akusasyon at tinawag itong "demolition job," at iginiit na legal ang kaniyang mga ginawang adjustment sa pambansang budget noong siya ay Senate President pa.
Sa vlog ni Chiz na "Chiz Wiz," mariing itinanggi ng senador na nakatanggap siya ng "malita" dahil matagal raw silang magkagalit ni Zaldy Co, kaya imposibleng bigyan siya nito ng kickback.
"Hindi na ako nagulat, pero tahasan kong sasabihin, hindi totoo 'yan, dahil magkagalit kami ni [dating] Congressman [Zaldy] Co sa mahabang panahon, at maraming nakakaalam niyan. At imposibleng mangyari 'yan. Maliban doon, mali rin yung address nila eh," paliwanag ni Escudero.
"Mali rin yung address nila, anak ng tinapa," giit pa ng senador.
Bigla raw isinangkot ang pangalan ni Escudero sa mga nakatanggap ng maleta simula nang bumulaga siya sa plenaryo noong Hunyo 3, 2026, at sumama sa mayorya, na nagluklok kay Sen. Win Gatchalian bilang acting Senate President at Senate President Pro Tempore.
Maki-Balita: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!