Iniimbestigahan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang posibilidad ng human trafficking at illegal recruitment sa kauuwi at kalalaya lamang na 24 na mga Pilipinong nabilanggo sa Russia.
Matatandaang nadetine ang 24 Pinoy sa naturang bansa sa loob ng siyam na buwan, matapos ang umano’y immigration issues ng mga ito—na siya namang napalaya matapos personal na idulog ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kay Russian President Vladimir Putin ang kanilang kalayaan sa ginanap na bilateral meeting ng dalawang Pangulo kamakailan.
Batay sa pahayag na ibinahagi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac noong Linggo, Hunyo 21, inaalam na nila kung bakit nga ba napadpad ang mga nabanggit na Pinoy sa Russia.
“Hindi nagtatapos sa ligtas na pag-uwi ang tulong,” saad ni DMW Sec. Cacdac.
Aniya, “Titingnan natin kung paano sila nakarating sa Russia, at sisiguraduhing maibibigay ang tulong na nararapat para sa kanila.”
Samantala, katuwang din ng DMW ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamamahagi ng tulong para sa nasabing repatriated Filipinos.
KAUGNAY NA BALITA: 24 Pinoy na nabilanggo sa Russia, nakauwi na sa Pinas!-Balita
Photo courtesy: DMW