Naglabas ng pahayag si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao matapos sampahan ng kasong sibil dahil sa pagkontra sa isinasagawang exploration activities ng North Luzon Minerals Resources Corporation (NLMRC) sa bayan ng Kasibu.
Kasama ni Bishop Elmer ang ilang environmental advocates at community defenders sa iba pang kinasuhan.
Sa latest Facebook post ng Diocese of Bayombong nitong Lunes, Hunyo 22, sinabi ni Bishop Elmer na tumutugon lang umano siya sa responsibilidad na iniatang sa kaniya noong ordernahan siya bilang pari.
“As Bishop of this Diocese, I carry the responsibility, given to me at ordination, to stand with the poor, defend the vulnerable, and be a voice for those whose voices are often unheard,” saad ni Bishop Elmer.
Dagdag pa niya, “This is not a political duty. It is a pastoral one, rooted in the Church's long and consistent teaching on the dignity of every person and our shared responsibility to care for our common home, Laudato Si' among them.”
Ayon kay Bishop Elmer, naniniwala siya, gaya ng laging turo ng Simbahan, na ang daigdig ay hindi nakalaan sa sangkatauhan para sairin kundi para pangalagaan.
"The land, rivers, and forests that sustain us are not merely resources to be measured by yield; they are part of God's creation, entrusted to us for the good of generations not yet born,” dugtong pa niya.
Paliwanag ni Bishop Elmer, binisita niya ang mga nakikipaglaban sa lupa upang mag-alok ng panalangin at ipaalalang kaisa nila ang Simbahan sa kanilang mga alalahanin kaugnay sa kalikasan at kinabukasan ng kabataan.
"I went to accompany, not to direct. I went to comfort, not to command," anang obispo.
Matatandaang batay sa mga dokumentong inihain sa Municipal Trial Court ng Kasibu, inakusahan ang mga respondent ng umano’y pagpapanatili ng isang ilegal na barikada sa loob ng ancestral domain na sinasabing humahadlang sa mga aktibidad ng kumpanya.
Ang reklamo para sa forcible entry ay isinampa ni Rosario Camma, na kumikilos sa kaniyang personal na kapasidad at bilang overall chieftain ng Bugkalot/Ilongot Indigenous Peoples/Indigenous Cultural Communities.
Ngunit hindi pinagbigyan ng hukuman ang kahilingan para sa Temporary Restraining Order (TRO). Ito ay matapos makita na wala pang sapat na batayan upang agad itong ipalabas.
Nakatakda namang dinggin ng korte sa Hunyo 23 ang kahilingan para sa writ of preliminary injunction.
Maki-Balita: Paring tumutol sa pagmimina, kinasuhan!