July 23, 2026

Home BALITA Probinsya

Sen. Kiko sa shooting incident sa Tacloban: 'Walang lugar ang karahasan sa ating lipunan!'

Sen. Kiko sa shooting incident sa Tacloban: 'Walang lugar ang karahasan sa ating lipunan!'
Photo courtesy: Kiko Pangilinan/FB


Nagpaabot na rin si Sen. Kiko Pangilinan ng isang taos-pusong pakikiramay para sa mga naulila ng mga namatay na mag-aaral, sa naganap na insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City nitong umaga ng Lunes, Hunyo 22.

Sa isang pahayag na ibinahagi ni Sen. Kiko sa kaniyang official at verified Facebook page nito ring Lunes, Hunyo 22, kinondena niya rin ang nasabing pangyayari—na naganap mismo sa loob ng eskwelahan.

“Taos-puso akong nakikiramay sa mga naiwan ng mga nasawi,” panimula ni Sen. Kiko.

Ayon sa kaniya, “Mariin kong kinokondena ang pamamaril na nangyari sa loob ng paaralan.”

“Walang lugar ang karahasan sa ating lipunan, lalong-lalo na sa mga lugar na dapat ay ligtas para sa mga bata,” dagdag pa niya.

Umapela pa ang mambabatas para sa aniya’y mas mabilis at wastong pagpapatupad ng “Juvenile Justice Law.”

“Nananawagan ako ng mabilis, ganap, at tamang pagpapatupad ng Juvenile Justice Law. Hindi pwedeng pakawalan ang mga suspek kahit menor de edad. Dapat dumaan sila sa prosesong itinakda ng batas,” anang mambabatas.

“Sa ilalim din ng batas, may pananagutan ang mga magulang ng mga suspek kung naging pabaya, giit pa niya.

Paliwanag pa ni Sen. Kiko, kinakailangan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan ng sapat na suporta ang pamilya ng mga biktima ng nasabing pangyayari.

“Itinatakda rin ng batas na kailangang bigyan ng DSWD ng karampatang suporta ang mga biktima at ang kanilang mga pamilya hanggang makamit nila ang katarungan,” pagtatapos ni Sen. Kiko.

Photo courtesy: Kiko Pangilinan/FB screenshot

Bunsod ng naganap na pamamaril sa nabanggit na paaralan, tatlo ang nasawi; habang pito naman ang napaulat na nasaktan.

Hawak na ng mga awtoridad ang mga suspek sa naturang school shooting incident.

Matatandaang kinondena rin mismo ng Department of Education (DepED) ang naganap na krimen.

“We strongly condemn this act of violence and extend our deepest condolences to the families of the victims, as well as our earnest prayers for the swift recovery of those who were injured. The Central Office is now mobilizing assistance to our affected learners,” ani DepEd sa kanilang pahayag.

MAKI-BALITA: DepEd sa shooting incident sa San Jose NHS: ‘We strongly condemn this act of violence!’-Balita