Naghayag ng pakikiisa si Kalookan Bishop Cardinal Pablo “Ambo” Virgilio David kay Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao matapos sampahan ng kasong sibil dahil sa pagkontra sa isinasagawang exploration activities ng North Luzon Minerals Resources Corporation (NLMRC) sa bayan ng Kasibu.
Kasama ni Bishop Elmer ang ilang environmental advocates at community defenders sa iba pang kinasuhan.
Kaya sa latest Facebook post ni Cardinal Ambo noong Linggo, Hunyo 21, sinariwa niya ang pakikipagbuno ni Bishop Elmer sa sarili nitong buhay matapos atakehin sa puso.
“A few years ago,” panimula ni Cardinal Ambo, “Bishop Elmer Mangalinao was fighting for his life. The people of Bayombong stormed heaven with prayers, and their beloved shepherd recovered from a heart attack and quintuple bypass surgery.”
At ngayon, nahaharap muli si Bishop Elmer sa isa pang pagsubok dahil sa paninindigan sa mga isyung nakakaapekto sa kalikasan at komunidad na ipinagkatiwala sa ilalim ng pangangalaga nito.
Dagdag pa ng cardinal, “Whether fighting for his own life or standing up for what he believes is life-giving for his people, Bishop Elmer has never lacked courage. From fighting for his life to fighting for life itself.”
Matatandaang batay sa mga dokumentong inihain sa Municipal Trial Court ng Kasibu, inakusahan ang mga respondent ng umano’y pagpapanatili ng isang ilegal na barikada sa loob ng ancestral domain na sinasabing humahadlang sa mga aktibidad ng kumpanya.
Ang reklamo para sa forcible entry ay isinampa ni Rosario Camma, na kumikilos sa kaniyang personal na kapasidad at bilang overall chieftain ng Bugkalot/Ilongot Indigenous Peoples/Indigenous Cultural Communities.
Ngunit hindi pinagbigyan ng hukuman ang kahilingan para sa Temporary Restraining Order (TRO). Ito ay matapos makita na wala pang sapat na batayan upang agad itong ipalabas.
Nakatakda namang dinggin ng korte sa Hunyo 23 ang kahilingan para sa writ of preliminary injunction.
Maki-Balita: Paring tumutol sa pagmimina, kinasuhan!