Inamin ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na nangangamba siya para sa kaligtasan ng kaniyang pamilya dahil sa kalikasan ng trabaho niya.
Nakapanayam si Matibag sa "The Interviewer" ni King of Talk Boy Abunda noong Sabado, Hunyo 20, kung saan napag-usapan ang tungkol sa mga kontrobersiyal na isyu gaya ng nangyaring kaguluhan sa Senado noong Mayo.
Matatandaang inakusahan noon ng ilang senador na inatake umano ng mga tauhan ni Matibag ang Senado. Ngunit depensa ng NBI Director, wala umanong paglusob na nangyari.
Maki-Balita: Giit ni Matibag: NBI ang inaatake, hindi Senado!
Dahil sa ganitong mga insidente na bahagi ng kaniyang trabaho, hindi tuloy naiwasang itanong kay Matibag kung natatakot ba siya para sa kaniyang pamilya.
“Natatakot ka ba para sa pamilya mo?” ussia ni Boy.
“Yes, Tito Boy,” sagot ni Matibag. “I talk to them regularly. Ako saka si Congw. [Ann Matibag] Bago matulog, nag-uusap kami.”
“We assess the day. Pagkagising namin, nag-uusap pa rin kami tungkol diyan,” dugtong pa niya.
Pero sa kasalukuyan, ayon kay Matibag, wala pa naman daw siyang natatanggap na banta sa buhay niya at ng kaniyang pamilya. Hindi raw niya itinuturing na death threat ang mga bash ng netizens laban sa kaniya.