Nagsumite ng counter-affidavit si Nico Waje kaugnay sa kasong acts of lasciviousness at gender-based sexual harassment na isinampa ng dating kabaro niyang reporter sa GMA Integrated News na si Athena Imperial.
Ang kasong acts of lasciviousness ay nakapaloob sa Article 336 ng Revised Penal Code, habang ang reklamo namang gender-based sexual harassment ay alinsunod sa Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act.
Ayon sa ulat ng GMA News Online noong Biyernes, Hunyo 19, kasama ni Nico sa opisina ng Quezon City Prosecutor ang kaniyang misis at abogadong si Atty. Leo Lalusis sa paghahain ng resolusyon.
Ngunit tumanggi muna umanong isapubliko ng kampo ni Nico ang nilalaman ng counter-affidavit dahil ayaw nilang pangunahan ang desisyon ng public prosecutor.
“Ang importante dito is ‘yong kliyente namin, si Sir Nico, is very ready to answer any allegation against him,” saad ni Atty. Leo.
Dagdag pa niya, “In fact, from the beginning naman, siya ‘yong naglakas ng loob para harapin ‘tong mga kaso kasi alam naman niya sa sarili niya na wala naman siyang kasalanan. ‘Yon naman ‘yong importanteng bagay dito na hinarap niya ‘yong kaso."
Matatandaang noong Mayo 13, naghain si Athena ng kaso laban kay Nico sa opisina ng Quezon City Prosecutor.
Sa isang opisyal na pahayag, kinumpirma umano ng abogado ni Athena ang pagsasampa ng reklamo ng kaniyang kliyente ngunit hindi na nila idinetalye ang nilalaman ng complaint affidavit na isinumite sa piskalya.
Maki-Balita: Athena Imperial kinasuhan ng acts of lasciviousness, sexual harassment si Nico Waje