Nilinaw sa publiko ni House Committee on Social Services chairperson at Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Almario ang dahilan niya para hindi agad ma-institutionalize o maisabatas ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, kung saan kalakip dito ang probisyong “anti-epal” na magbabawal sa lahat ng mga politikong personal na mag-abot ng ayuda sa publiko.
Matatandaang nauna nang paringgan ni Sen. Erwin Tulfo sa isinagawa nilang sesyon sa Senado noong Miyerkules, Hunyo 17, 2026, na may dalawa raw mambabatas sa Kamara na nagiging dahilan ng pagka-delay para maisabatas ang AICS bill.
“Mahiya naman po kayo dahil hindi n’yo pera ‘yan, pera po ng taumbayan,” ani Tulfo.
Sa naging pahayag naman ni Almario sa panayam sa kaniya ng media noong Huwebes, Hunyo 18, sinabi niyang tatanggapin daw niya ang lahat ng ibabato laban sa kaniya.
“Ako, whatever they throw, I’ll take it,” pagsisimula niya.
Diin ni Almario, hindi raw niya isasakripisyo ang integridad ng naturang bill dahil lang sa kakulangan nila ng oras para maisabatas ito.
“Again, I will not sacrifice the integrity of this bill, the potential of this bill, just because we’re short on time,” saad niya.
Dagdag pa niya, “I don’t think it’s fair. Sa akin lang, ano. It’s my principle then talking.”
Ani Almario, “bahala na” raw kung maunsyami ang pagsusulong ng AICS bill hanggang maipasa naman daw nila ito sa tamang paraan.
“Bahala na. If it gets delayed, it gets delayed for as long as it gets passed the right way. It gets passed with flying colors, hopefully,” aniya.
“And that at least anybody who needs it, gets to avail of it,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa naman inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Tulfo kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin Tulfo, ‘relieved’ at ‘happy’ sa pagiging SP ni Sen. Win!