July 23, 2026

Home BALITA Probinsya

Building owner at kontraktor ng gumuhong gusali sa Angeles, pinutakti ng violations; pagbabayarin ng ₱11 milyon!

Building owner at kontraktor ng gumuhong gusali sa Angeles, pinutakti ng violations; pagbabayarin ng ₱11 milyon!
Photo courtesy: ACDRRMO (FB)

Pinagbabayad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng halagang ₱11.7 milyon ang building owner at kontraktor ng gumuhong nine-storey building sa Balibago, Angeles City, Pampanga noong Mayo 24, 2026, matapos itong makitaan ng iba’t ibang paglabag sa operasyon. 

Batay sa pahayag ng DOLE noong Miyerkules, Hunyo 17, binanggit na lumabas sa kanilang imbestigasyon na mayroong pananagutan na ₱1,426,798.50 ang “Jackson Lim and Golden Years Construction and Steelworks Corp.”

Kasama rito ang halagang ₱1,102,798 para sa paglabag sa labor standards at ₱10,324,000 bilang administratibong multa sa ilalim ng Republic Act No. 11058 para sa paglabag sa occupational safety and health standards. 

“After conducting an investigation, after constituting a committee, the DOLE found that Jackson Lim and Golden Years Construction and Steelworks Corp were liable ng PHP1,426,798.50, representing PHP 1,102,798 for labor standards violations, and PHP 10,324,000 as an administrative fine under Republic Act No. 11058 for willful violation of occupational safety and health standards,” saad ni Labor Sec. Francis N. Tolentino. 

Lumabas pa sa nasabing imbestigasyon na ang mga manggagawa ay patuloy na pinagtatrabaho sa kabila ng Work Stoppage Order na direktiba ng DOLE sa konstruksyon ng gusali. 

Probinsya

Lalaking umiihi sa gilid, naipit sa pagitan ng 2 container van!

Nakita rin ng DOLE ang iba pang paglabag sa labor standards tulad ng hindi pagbibigay ng sahod at statutory benefits sa mga manggagawa rito at kakulangan ng tamang bayad sa mga pagtatrabahong isinagawa ng Sabado at holidays. 

Isa pa ay ang samu’t saring safety violations katulad ng kawalan ng personal protective equipment (PPE), permit para sa operasyon ng mechanical lifting equipment, deployment ng occupational safety and health personnel tulad ng safety officers at first aiders, at hindi paglalaan ng pansamantalang tirahan ng mga manggagawa. 

Bukod pa sa mga kasong itong, ang kompanya ay diumano’y nagsumite ng mga pekeng sertipiko para sa first aider at safety officer sa binubuong gusali, batay sa DOLE. 

“They also submitted fake and invalid certificates for the project’s first aider and safety officer,” saad ng DOLE. 

Sa posibleng pagpapataw ng mga karampatang kaso, iaakyat ng DOLE ang mga resulta ng imbestigasyon sa National Bureau of Investigation (NBI) at Angeles City local government (LGU). 

Sa kasalukuyan, natukoy ng DOLE ang mga kakulangan sa implementasyon ng labor laws sa kasagsagan ng imbestigasyon. 

“DOLE found gaps in the implementation of labor laws. Hence, we will continue with the administrative proceedings against an official and certain labor inspectors of DOLE Regional Office III,” saad ni Tolentino. 

Dahil dito, tinitiyak ng kalihim na pagtitibayin ng DOLE ang implementasyon nila ng batas at monitoring efforts sa buong bansa upang hindi na maulit ang mga kaparehang insidente. 

Sa pamilya namang naulila ng mga manggagawang nasawi, tiniyak din ng DOLE na makakatanggap sila ng tulong mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC), kabilang dito ang funeral expenses at financial assistance, batay sa beripikasyon ng registration ng manggawa sa Social Security System (SSS) noong nabubuhay pa ito. 

Sa iba pang building owners, employers, at mga kontraktor, ipinaalala ng DOLE na maging maagap sa pagsunod sa labor standards at occupational safety and health regulations upang maiwasan ang pagpapataw ng mga kaso sa kanila. 

“Comply with all existing labor standards, occupational safety and health regulations, and make sure that your employees are safe, your structures are safe, and everything will be fine,” babala ni Tolentino. 

Matatandaang tinatayang 47 katao ang naapektuhan ng naging pagguho sa Balibago, na sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy pa rin ng mga awtoridad ang kanilang technical assessment at pangangalap ng mga ebidensya sa pinangyarihan ng pagguho. 

MAKI-BALITA: PBBM, iniutos agarang tulong para sa mga biktima ng pagguho sa Angeles