Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na agarang magbahagi ng tulong para sa mga apektado ng pagguho ng isang nine-storey concrete building sa Angeles City, Pampanga.
Batay sa pakikipanayam ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa media nitong Lunes, Mayo 25, tiniyak niya na masasaklolohan ang mga biktima at mga kaanak ng mga naapektuhan ng trahedya.
“Alam naman natin na may humanitarian side ‘yong ganito na mga trahedya. We will make sure na ang instruction ng Pangulo…mga workers kasi ito, at sa unang talaan namin, hindi sila lahat taga-Pampanga—may mga taga-San Jose Del Monte, may mga taga-Bulacan—pero nasa amin sila ngayon,” saad ni Sec. Gatchalian.
Aniya, “The local government of Angeles set up a health center—nandoon sila pansamantalang namamalagi. Sisiguraduhin natin na bago sila umuwi sa kanilang mga probinsya, ay may financial assistance sila; at least ito ‘yong mga survivors.”
“Now ‘yong mga kasamaang-palad, kung mayroon, ‘di ko pa alam ‘yong exact numbers, kung mayroong nasawi, we will make sure na ‘yong pamilya nila matulungan din,” dagdag pa niya.
Nilinaw rin ng kalihim kung ano nga ba ang pinaka-eksaktong matatanggap ng mga naapektuhan ng insidente.
“Well, unang-una, ‘yong cash relief assistance kasi ng AICS, ginagamit namin ‘yan so ₱10,000 ‘yan kaagad,” anang kalihim.
Kasama rin dito ang tulong na sustainable livelihood assistance ng DSWD para din sa mga apektado ng pagguho.
Giit pa ng kalihim, mayroon ding burial assistance at medical assistance ang DSWD para sa mga biktima.
Ayon sa pinakahuling tala ng Philippine Red Cross (PRC) noong Linggo, Mayo 24, dalawa na ang kumpirmadong nasawi sa naturang pagguho.
MAKI-BALITA: Mga nasawi sa pagguho sa Pampanga, 2 na; 18 nawawala, patuloy na pinaghahanap!-Balita