Naglabas ng pahayag si Sen. Imee Marcos matapos opisyal na mapalitan ng bagong liderato ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ni Senate President Win Gatchalian.
Sa latest Facebook post ni Sen. Imee nitong Miyerkules, Hunyo 17, sinabi niyang simula’t sapul ay malinaw naman daw sa Cayetano bloc na maaaring palitan ang pamunuan ng Senado basta may sapat na boto.
“Ngayong may sapat na boto sila, wala ng gulo. Kami naman ay never napikon, nasaktan ang pride at namersonal kapag nawawala sa committee o leadership — hindi kami entitled,” saad ni Sen. Imee.
Samantala, halos ganito rin ang tono ni Sen. Pia Cayetano nang hingan siya ng reaksiyon kaugnay sa pagkakahalal ni SP Win bilang bagong Pangulo ng Senado.
Aniya, “May 13 ‘di ba? Common sense ‘di ba? What’s in the rules? What’s in the Constitution? Kapag hindi sumunod sa rules, doon lang naman kami may problema.”
“Pero kapag sumunod sa Constitution at sa rules, there’s no problem,” dugtong pa ng senadora.
Matatandaang hindi tinanggap ni dating Senate President Alan Peter Cayetano ang ikinasang kudeta ng Gatchalian bloc noong Hunyo 3 matapos makauo ng quorum.
Sa katunayan, tinawag pa nga niya itong ilegal. Ito ay sa kabila ng pagkilala ng Palasyo at Kamara sa lehitimasyon ng liderato ni Gatchalian bilang acting Senate President.
Maki-Balita: Cayetano, tinawag na ilegal ang kudeta ng minority